MANILA, Philippines — Walang nakalaang pondo para sa Pax Silica sa panukalang 2027 national budget, kinumpirma ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of Finance (DOF) nitong Lunes.
Sa pagdinig sa Kamara hinggil sa P7.2-trilyong National Expenditure Program (NEP), nilinaw ni Acting Budget Secretary Kim Robert de Leon na walang budget item na nakalaan para sa kontrobersyal na proyekto.
“I just wanted to confirm na wala pong any allocation in the NEP intended for Pax Silica,” ani De Leon.
Ayon sa opisyal, ang mga pondong nakapaloob sa budget ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa digital infrastructure ay para sa pagpapatupad ng mga mandato nito sa ilalim ng e-government law at hindi para sa Pax Silica.
Sinabi naman ni Finance Secretary Frederick Go na nasa “very preliminary discussion” pa ang planong industrial hub at wala pang napipirmahang kasunduan para rito.
“There’s nothing in the budget that will spend for this proposed industrial hub because nothing has been signed,” ani Go.
Dagdag niya, kung matutuloy ang industrial hub sa New Clark City, hindi umano ito mangangailangan ng direktang budget allocation mula sa gobyerno dahil inaasahang magbabayad ng renta ang mga magiging locator.
Ang Pax Silica ay isang US-led economic security initiative na nakatuon sa pagpapatatag ng supply chains para sa semiconductors, artificial intelligence, critical minerals at iba pang advanced technologies. Inanunsyo noong Abril ng Pilipinas at Estados Unidos ang planong magtatag ng humigit-kumulang 4,000-acre industrial hub sa New Clark City sa ilalim ng naturang framework.
Nilinaw din ng Malacañang noong Hulyo na hindi pa pinal ang framework agreement at target pa lamang noon na maisapinal at mapirmahan ito sa Nobyembre.
Nahaharap ang panukala sa mga tanong mula sa ilang mambabatas at sektor hinggil sa posibleng epekto nito sa lupa, tubig, enerhiya at mga komunidad sa paligid ng New Clark City. Samantala, sinabi ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na ang proposed site ay nasa mga lugar na itinakdang maaaring tayuan sa ilalim ng master development plan ng New Clark City.
Sa ngayon, malinaw lamang ayon sa DBM at DOF na walang nakalaang line item para sa Pax Silica sa 2027 NEP, habang nagpapatuloy pa ang mga pag-uusap hinggil sa magiging pinal na kasunduan at implementasyon nito. Dave Baluyot