Home HOME BANNER STORY Sirit-utang ng Pinas sa P21.48T sa 2027, ‘manageable’ pa rin – DBP

Sirit-utang ng Pinas sa P21.48T sa 2027, ‘manageable’ pa rin – DBP

1
0

MANILA, Philippines — Posibleng umabot sa P21.48 trilyon ang kabuuang utang ng pamahalaan sa pagtatapos ng 2027 habang inaasahang mangungutang ang gobyerno upang punan ang halos P1.7-trilyong budget deficit sa susunod na taon.

Gayunman, iginiit ng Department of Budget and Management (DBM) na nananatiling “manageable” ang antas ng utang ng bansa at nakalaan sa panukalang P7.2-trilyong 2027 national budget ang pambayad sa mga obligasyon nito.

“Our debt remains manageable, and debt servicing is explicitly provided for in the budget,” ayon kay Acting Budget Secretary Kim Robert de Leon sa congressional briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).

Batay sa opisyal na medium-term fiscal program ng DBCC, inaasahang aabot sa P5.205 trilyon ang kita ng gobyerno sa 2027 kumpara sa P6.900 trilyong disbursements, dahilan upang magkaroon ng tinatayang P1.695-trilyong fiscal deficit, katumbas ng 5.1% ng gross domestic product.

Ang panukalang national budget para sa 2027 ay nasa P7.2 trilyon, o 21.7% ng GDP.

Samantala, umabot na sa P19.07 trilyon ang outstanding debt ng national government sa pagtatapos ng Hunyo 2026, ayon sa pinakahuling datos ng Bureau of the Treasury.

Inaasahang aakyat pa ito sa humigit-kumulang P19.75 trilyon sa pagtatapos ng 2026 at P21.48 trilyon sa pagtatapos ng 2027, batay sa government debt projections na kasama sa 2027 budget planning.

Ayon kay De Leon, hindi plano ng administrasyon na biglaang bawasan ang fiscal deficit kung mangangahulugan naman ito ng pagsasakripisyo sa mga programang kailangan para sa paglago ng ekonomiya at serbisyong panlipunan.

Sa ilalim ng panukalang budget, tataas ng 13.8% sa P1.16 trilyon ang capital outlays, habang aabot sa P1.114 trilyon ang financial expenses na kinabibilangan ng nakatakdang interest payments sa utang.

Iginiit din ni Finance Secretary Frederick Go na nananatiling sustainable ang utang hangga’t unti-unting napapaliit ang fiscal deficit at lumalago ang ekonomiya.

Layunin ng DBCC na ibaba ang deficit-to-GDP ratio mula 5.4% ngayong 2026 tungong 3.5% pagsapit ng 2030, habang pinananatili ang paggasta sa mga programang itinuturing na mahalaga sa paglago at human development.

Ang P1.7 trilyon ay tumutukoy sa inaasahang kakulangan sa pagitan ng kita at gastos ng gobyerno sa 2027 na kailangang pondohan, habang ang kabuuang outstanding debt ay ang naipong obligasyon ng national government mula sa kasalukuyan at mga nakaraang pangungutang. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here