Home NATIONWIDE High tide, backflow, tributary sanib-pwersa para palubugin Bulacan sa baha

High tide, backflow, tributary sanib-pwersa para palubugin Bulacan sa baha

1
0

BULACAN — Tatlong sabay-sabay na daloy ng tubig ang nagpapalala sa pagbaha sa ilang bahagi ng Bulacan kung saan kabilang dito ang high tide, backflow mula sa Pampanga River Basin, at tubig mula sa mga tributary river, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).

Sa isang panayam, sinabi ni Bulacan PDRRMO chief Manuel Lukban Jr. na nakararanas ng hanggang tatlong talampakang baha ang ilang coastal communities sa Hagonoy, Paombong at Calumpit kasabay ng mataas na tubig-dagat. Apektado rin ang ilang bahagi ng Bulakan, Malolos, Meycauayan at Obando.

“Tatlong factor ‘yan. Una, iyong sinabi natin, ‘yong high tide. Pangalawa, ‘yong back-flooding natin sa Pampanga River Basin. At iyong pangatlo, ‘yong mismong along riverways natin na tributaries,” paliwanag ni Lukban sa naturang panayam.

Bukod sa high tide, dumadaloy din patungong Bulacan ang tubig mula Pampanga, Tarlac at Nueva Ecija sa bahagi ng Candaba, na nakaaapekto sa mga lugar malapit sa San Ildefonso, San Rafael, San Miguel at Baliwag.

Nauna na ring sinabi ng Bulacan PDRRMO na kabilang sa mga binabantayang pinagmumulan ng baha ang tubig mula sa Pampanga River Basin, bagay na kinumpirma rin sa monitoring ng Bulacan police sa mga binahang lugar.

Samantala, ang Marilao, Santa Maria at Guiguinto rivers ay tumatanggap din ng tubig mula sa mas mataas na lugar bago ito dumaloy patungo sa mga mabababang bahagi ng lalawigan at Manila Bay, dahilan upang madagdagan ang volume ng tubig sa mga komunidad sa kanilang daraanan.

Mahigit 5,800 katao o nasa 1,771 pamilya ang nananatili sa evacuation centers nitong Lunes, ayon kay Lukban. Pinakamarami ang evacuees sa Calumpit na may 3,447 indibidwal, kasunod ang Hagonoy na may mahigit 780 at Malolos na may 568.

Mas mababa na ito kumpara sa tinatayang 11,000 evacuees noong nakaraang linggo habang unti-unting gumaganda ang lagay ng panahon.

Patuloy naman ang rescue, libreng pagtawid sa mga binahang lugar at pamamahagi ng relief goods ng pamahalaang panlalawigan, habang ang malalaking flood mitigation project ay nasa ilalim ng national government.

Nanawagan din ang PDRRMO sa publiko, lalo na sa mga magulang, na huwag hayaang maligo o maglaro ang mga bata sa mga ilog at iba pang daluyan ng tubig dahil maaaring biglang tumaas ang water level.

Pinag-iingat din ang mga residente sa paglusong sa baha dahil sa panganib ng leptospirosis. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here