Home HOME BANNER STORY Pilipinas naghain ng 27 protesta vs China sa loob ng 6 buwan

Pilipinas naghain ng 27 protesta vs China sa loob ng 6 buwan

1
0

MANILA, Philippines — Umabot sa 27 diplomatic protests ang inihain ng Pilipinas laban sa China sa unang anim na buwan ng 2026 dahil sa mga insidente at aktibidad nito sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa National Maritime Council (NMC).

Sinabi ni NMC spokesperson Alexander Lopez na inihain ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga protesta kaugnay ng tinatawag ng pamahalaan na “illegal, coercive, aggressive and deceptive” o ICAD actions ng China Coast Guard at iba pang Chinese maritime forces.

Apat na diplomatic protests ang inihain noong Enero, apat noong Pebrero, lima noong Marso, apat noong Abril, at tig-lima noong Mayo at Hunyo.

Ayon kay Lopez, nakadepende sa mga aktuwal na insidente ang paghahain ng diplomatic protest.

“The nature of diplomatic protests is actually incident-driven,” aniya.

Samantala, sinabi ni Philippine Coast Guard spokesperson for the WPS Rear Admiral Jay Tarriela na mas kaunti umano ang naitalang komprontasyon sa mga barko ng China ngayong taon kumpara sa mga nakaraang taon.

Gayunman, muling nakaranas ng water cannon attack ang isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa isang humanitarian mission kasama ang PCG kamakailan. Nauna rito, sinabi ni Tarriela na Disyembre 2025 pa ang huling naitalang water cannon incident bago ang pinakahuling insidente.

Bagama’t bumaba ang presensya ng People’s Liberation Army Navy at Chinese maritime militia vessels sa unang semestre ng 2026, dumami naman ang China Coast Guard at Chinese research at survey vessels, partikular sa hilagang bahagi ng bansa, ayon sa Armed Forces of the Philippines.

Sinabi ni AFP spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na patuloy na minomonitor ng militar ang maritime domain at binibigyang-pansin ang pagdami ng research vessels sa hilagang karagatan ng Pilipinas.

Patuloy na naninindigan ang Pilipinas na ang mga karapatan nito sa West Philippine Sea ay nakabatay sa United Nations Convention on the Law of the Sea at sa 2016 arbitral ruling, na kumilala sa sovereign rights ng Pilipinas sa exclusive economic zone nito at nagsabing walang legal na batayan ang historic-rights claim ng China sa mga karagatang sakop ng “nine-dash line.”

Hindi kinikilala ng Beijing ang arbitral ruling at patuloy nitong iginigiit ang malawak nitong claim sa South China Sea. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here