MANILA, Philippines – Panawagan sa sama-samang pagsusulong ng makabagong teknolohiya, pamumuhunan at repormang pang-ekonomiya.
Ito ang malinaw na mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Mynt, Inc. Initial Public Offering Listing Ceremony, Martes ng umaga, Oktubre 20, 2026, sa Taguig city.
Ang tagumpay ng Mynt at GCash ay isang halimbawa ng potensiyal ng mga negosyong Pilipino, magsisilbi rin itong inspirasyon upang mas maraming mamamayan at negosyo ang makibahagi sa pag-unlad ng bansa.
Mynt ang kumpanyang nasa likod ng GCash.
“Ang tunay na layunin? Makabuo ng isang ekonomiya na hindi lamang lumalago kung hindi nagbibigay din ng mas malawak, patas at abot-kamay na oportunidad para sa bawat Pilipino,” ayon sa Pangulo.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo kung paano binago ng teknolohiya ang pang araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino mula sa simpleng pagpapadala at pagtanggap ng pera, naging paraan na rin ito upang magbayad ng mga gastusin, mag-ipon, umutang at mamuhunan.
At sa pagpasok aniya ng Mynt sa Philippine Stock Exchange, nagkakaroon ng pagkakataon ang kumpanya na higit pang lumago at nakapagbibigay ng pag-asa na muling mahikayat ang mga mamumuhunan na magtiwala sa mga negosyong Pilipino. Binigyang-diin din ng Pangulo na hindi dapat maging para lamang sa mayayaman o malalaking negosyo ang pamumuhunan. Sa tulong ng digital technology, nagkakaroon din ng pagkakataon ang mga ordinaryong Pilipino na makilahok sa stock market.
Kasabay nito, patuloy na nagsusulong ang pamahalaan ng mga reporma upang mapababa ang gastos sa transaksiyon, mapalakas ang tiwala ng mga mamumuhunan, at gawing mas kaakit-akit ang pamilihang pinansyal ng bansa.
Binigyang-halaga ng Pangulo na sa pamamagitan ng Capital Markets Efficiency Promotion Act o CMEPA ang stock transactions tax ay bumaba mula sa 0.6 hanggang sa 0.1 percent. Nakatulong ito sa pagbaba ng trading cost at paglago ng competitiveness sa merkado. (KRIS JOSE)