KUNG hindi ninyo gaanong nabantayan ang panukalang NEP (National Expenditure Program) para sa 2027 ng Department of Budget and Management, heto ang dapat malaman: ₱7.2 trilyon.
Ang edukasyon, nararapat lamang, ang tumatanggap pa rin ng pinakamalaking bahagi. Pero naghahanda ang state universities and colleges sa malaking bawas — 49 sa 113.
Ang University of the Philippines ay nakatakdang mawalan ng ₱2.95 bilyon, kabilang ang ₱805 milyon na direktang kinaltas sa Philippine General Hospital, isang ospital na kapos na nga sa kama at doktor.
Nakatitig ang mga estudyante ng PUP sa ₱9.2 bilyong pondong para sana sa pagpapalawak ng unibersidad na nananatiling hindi naaaprubahan. Maging ang Philippine Normal University, sentro ng pagsasanay ng mga guro sa bansa, ay nahaharap sa parehong Tier 2 rejection. Kaya nagtatanong ang mga estudyante, guro at magulang: Bakit tila sila ang pinupuntirya?
Hindi lang SUCs ang apektado. Ang edukasyon ang may pinakamalaking tama sa panukalang bawas ng DBM — ₱39.3 bilyon. Sa kalusugan, ₱33.6 bilyon. Sa social welfare, ₱28.6 bilyon.
Hindi pa pinal ang mga numerong ito, pero hindi rin sila basta numero lamang. Ang katumbas ng mga ito ay mga kama at gamot sa ospital, sahod ng mga guro, scholarship at stipend.
Ayon kay Acting Budget Secretary Kim Robert de Leon, bunga ng maingat na pagsusuri ang mga bawas, at nakaturo ang lahat sa isang pamilyar na problema: underspending. Hindi naman daw nagamit ang pondo! Aniya, kaya namang mabuhay ng mga ahensya gamit ang hindi nagastos na pondo noong 2026 na dadalhin sa 2027.
Pero may mahalagang tanong si dating Budget Secretary Butch Abad: Ang carryover funds ba para sa DepEd at iba pang ahensiya ay tunay na idaragdag sa bagong NEP, o kakanin muna ng gobyerno ang bawas at saka na lamang magpapaliwanag?
Karapatan ng publiko ang malinaw na sagot ngayon — hindi accounting sleight of hand.
At kanino nga ba kasalanan ang underspending? Ang mabagal na pagpapalabas ng pondo, burukratikong bottleneck at pagkaantala sa procurement ay hindi laging pagkukulang ng mga ahensya. Pagkukulang din iyan ng gobyerno. Ang pagpaparusa sa mga paaralan at ospital dahil sa mabagal na pagpapalabas ng pondo ay hindi disiplina. Maling pagsisi iyan.
Samantala, sa kabila ng lumalakas na alarma tungkol sa korapsyon, tingnan kung sino ang makakukuha ng pinakamalaking dagdag sa pondo. Batay sa GMA News Research, kabilang dito ang Transportation, Public Works and Highways, National Defense, at Interior and Local Government.
Sa papel, maganda ang mga prayoridad: mga riles, flood control, mas matatag na depensa at mas mahusay na lokal na pamamahala. Iginiit ng Malacañang na pro-poor ito — mas maraming trabaho, mas maayos na kalsada at mas ligtas na komunidad.
Para sa working class, na malaking bahagi ng bumubuhay sa gobyernong ito, magandang pakinggan iyan. Gusto ko ring maniwala.
Gusto kong maniwala na ang ₱107-bilyong flood-control program ay talagang pipigil sa baha, sa halip na matangay ng ulan gaya ng napakaraming proyekto — at bilyong piso — na nauna rito.
Kaya, Pangulong Marcos, nasa inyo ito.
Ang ₱3.3 trilyon sa badyet na ito ay perang hiniram, na magtutulak sa pambansang utang sa ₱21.479 trilyon pagsapit ng 2027. Dala na ng bawat pamilyang Pilipino ang bigat na iyan.
Hindi katuwiran ang hinihingi namin sa inyo, kundi katuparan — tunay na pag-unlad at paglago na matagal nang minimithi ng bansang ito at karapat-dapat nitong makamtan.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).






