Home OPINION MAGNITUDE 7.7 LINDOL

MAGNITUDE 7.7 LINDOL

2
0

TUWING may mangyari na malakas na lindol, napadadasal tayo nang wala sa oras, mga Bro.

Mangyari man ‘yan sa mahal kong Pinas o sa iba.

Mapapadasal ka dahil tiyak na malaking panganib ‘yan sa buhay at ari-arian at apektado maging ang ating kinabukasan bilang indibidwal, pamilya, komunidad o bansa.

MAGNITUDE 7.7

Sa isla ng Flores, Indonesia, may naganap na magnitude 7.7 na ikinamatay na ng 47 katao.

Bagaman may mga namatay, napakalaki ang pasasalamat ng maraming residente, lalo na ang mga mag-aaral dahil wala pang pasok sa mga eskwelahan na bumagsak o nasira.

Kung hindi, mas marami sana umano ang namatay dahil sa pagguho ng mga eskwela.

Napakalakas ang lindol dahil nagmula lang sa 10 kilometro sa ilalim ng lupa na ikinapanganib nang husto ng buhay at ari-arian ng nasa 1.8 milyong mamamayan.

Nagkakalkal pa sila hanggang ngayon ng mga missing at maaaring may matagpuan pa silang mga patay at nasugatan.

SA MINDANAO

Kung tutuusin, kamakailan lang naganap ang halos kaparehong lakas ng lindol mismo sa atin, sa Mindanao at nitong Hunyo 21, 2026.

Ikinamatay ang magnitude 7.8 ng nasa 108 Pinoy, ikinasugat ng 1,300 at ikinawalawala ng 7 iba pa.

Bukod dito, may kabuuang 774,495 na nasirang bahay at istruktura at 13,681 ang ganap na bumagsak o nasira.

Sa kabuuan, natamaan o naapektuhan din ang nasa 1.6 milyong katao na nakatira sa iba’t ibang lalawigan.

Nauna rito, sa Cebu, kahit malapit nang isang taong naganap ang magnitude 6.9 na ikinamatay rin ng 76 katao at ikinasugat ng halos 600, hirap pa rin silang bumangon.

Mahigit 7,000 bahay at istrukura ang ganap na nasira habang nasiraan din ng bahagya ang mahigit 126,000 libong iba pa noong Oktubre 2025.

Sa rami ng nasirang ari-arian at buhay, tiyak na matagal pa bago makabangon muli at magkaroon ng normal na pamumuhay, lalo na ang mga namatayan ng haligi ng tahanan at nagibaan ng hanapbuhay.

PINAG-AAWAYAN NG MGA POLITIKO

Pinag-aawayan pa hanggang ngayon, ng mga politiko kung sino-sino ang nakapagbibigay na ng higit na maraming tulong sa mga biktima.

Ang masakit, ikinokonekta pa ang mga tulong sa pagkakaroon ng mga kakampi o kaaway sa halalang 2028.

At lumilitaw na higit na mahalaga ang away-pulitika kaysa sa genuine o tunay na pagtulong sa mga biktima dahil namatayan, nasiraan at nawalan ng kinabukasan ang mga ito.

Ganyan katindi ang pagbalot ng pulitika sa mga kalamidad na dumarating sa atin.

2027 PAMBANSANG BADYET

Dahil sa tindi ng sinapit ng mga biktima ng lindol na pinalala pa ng mga dumating na bagyo, habagat at low pressure area na nagdala ng mga baha at landslide, dapat maging aral ang mga ito sa paggawa ng pambansang badyet, kasama na rin ang mga badyet ng mga local government unit.

Magkano at hanggang saan ang hangganan ng mga pondong pangkalamidad para sa mga biktima ng lindol sa mga badyet na sinimulan nang buuin ngayong buwan?

May sapat bang pang-ayuda sa mga biktima at pambangon sa kanila mula sa kamatayan at pagkakasadlak sa kahirapan at kawalan ng kinabukasan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here