Home NATIONWIDE Trump nanawagan sa Iran na sumuko; Oman binantaang aatakehin

Trump nanawagan sa Iran na sumuko; Oman binantaang aatakehin

1
0

WASHINGTON — Nanawagan si US President Donald Trump sa Iran na sumuko upang matapos ang nagpapatuloy na digmaan, habang nagbanta rin siyang bobombahin ang Oman kung hahadlangan umano nito ang interes ng Estados Unidos kaugnay ng Strait of Hormuz.

Sa phone interview ng Fox News na iniulat ng Reuters, sinabi ni Trump na dapat nang “put up the white flag of surrender” ang Iran. Kalaunan, sa harap ng mga mamamahayag sa Oval Office, sinabi niyang hindi niya nakikitang papayag ang Tehran sa uri ng kasunduang nais ng Washington.

Iginiit ni Trump na pangunahing layunin ng Estados Unidos na pigilan ang Iran na magkaroon ng nuclear weapon. Tumanggi rin siyang palawigin ang pansamantalang kasunduang napagkasunduan ng dalawang bansa noong Hunyo.

Sa ilalim ng memorandum of understanding, nangako ang US at Iran na magtrabaho patungo sa isang pinal na kasunduan sa loob ng 60 araw, kabilang ang usapin sa nuclear program ng Tehran. Gayunman, mabilis ding nabigo ang kasunduan matapos ideklara ni Trump noong Hulyo 7 na tapos na ito, habang kalaunan ay sinabi ng Iran na suspendido na rin ang kasunduan.

Kasabay nito, matindi rin ang naging pahayag ni Trump laban sa Oman, na nakikipag-usap sa Iran hinggil sa pagpapanumbalik ng maayos na commercial shipping sa Strait of Hormuz.

“If Oman gets in the way, we’ll bomb the shit out of them,” sinabi ni Trump sa panayam ng Fox News, ayon sa Reuters.

Kinumpirma mismo ng Oman Foreign Ministry na nakipagpulong na ang mga opisyal nito sa Iran upang talakayin ang mga paraan para matiyak ang maayos na pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz sa gitna ng tensyon sa rehiyon.

Mahalaga ang Strait of Hormuz sa pandaigdigang suplay ng enerhiya. Bago ang pag-atake ng US at Israel sa Iran noong huling bahagi ng Pebrero, humigit-kumulang 20% ng pandaigdigang oil at liquefied natural gas supplies ang dumaraan sa naturang ruta, ayon sa Reuters.

Umakyat din ang presyo ng langis nitong Martes habang lalong lumalabo ang posibilidad ng agarang kasunduang US-Iran at nananatiling mabagal ang shipping traffic sa Hormuz, na muling nagpapataas ng pangamba sa global energy supply.

Wala pang naiuulat na agarang tugon mula sa Oman sa pinakahuling banta ni Trump. Patuloy namang nananatiling stalled ang negosasyon sa pagitan ng Washington at Tehran. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here