MANILA, Philippines — Kinuwestiyon sa Kamara ang kawalan ng nakalaang flood control project para sa buong Davao Region sa panukalang 2027 national budget, kahit nakararanas din ng pagbaha ang ilang lugar sa rehiyon.
Sa pagdinig sa P7.2-trilyong 2027 National Expenditure Program (NEP), sinabi ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na 113 lamang sa 197 district engineering offices (DEO) ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang may nakalistang flood control projects. Ibig sabihin, 84 DEO ang walang nakalaang proyekto.
Partikular na pinuna ni Tinio ang Region XI o Davao Region na aniya’y walang kahit isang flood control project sa panukalang budget.
“Nagtataka kami, kasi binabaha naman sa Davao, alam natin, pero wala,” ani Tinio sa budget hearing.
Ipinaliwanag naman ni Acting Budget Secretary Kim Robert de Leon na nakabatay ang pagsusuri ng Department of Budget and Management (DBM) sa mga proyektong isinusumite ng DPWH.
Kung walang proposal na ipinadala ang DPWH, wala rin umanong proyektong maaaring suriin at isama ng DBM sa NEP. Kabilang sa tinitingnan ng ahensya ang implementation readiness, kumpletong dokumento, program of works at tamang geotagging upang makatulong na maiwasan ang mga “ghost project.”
Kinuwestiyon din ni Tinio ang mahigit P49 bilyong nakalagay sa DPWH Central Office para sa flood mitigation structures at drainage systems, na pinaghihinalaan niyang maaaring kaugnay ng tinatawag na “leadership funds.”
Itinanggi naman ni De Leon na may “leadership funds” sa panukalang 2027 budget at sinabing karamihan sa naturang halaga ay para sa foreign-assisted projects.
Patuloy na sinusuri ng House Committee on Appropriations ang panukalang P7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027, habang inaasahang haharap din ang DPWH upang ipaliwanag nang mas detalyado ang batayan ng distribusyon ng flood control projects. RNT