Home HOME BANNER STORY Higit 5.1M Pinoy apektado ng Luis, Maymay, habagat; 26 patay

Higit 5.1M Pinoy apektado ng Luis, Maymay, habagat; 26 patay

17
0

MANILA, Philippines — Umabot na sa 5,146,748 katao o 1,468,226 pamilya ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng Bagyong Luis, Maymay at habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes, Agosto 18.

Sa pinakahuling datos ng NDRRMC, 26 katao na ang kumpirmadong nasawi, habang 17 ang nasugatan at isa ang nananatiling nawawala.

Pinakamaraming nasawi ang naitala sa Benguet na may 15 fatalities dahil sa mga landslide. May tig-tatlong nasawi naman sa Rizal at Batangas, dalawa sa Caloocan City, at tig-isa sa La Union, Quezon at Negros Occidental.

Nananatili sa evacuation centers ang 21,591 katao o 6,338 pamilya habang nagpapatuloy ang epekto ng malakas na pag-ulan at pagbaha.

Umabot na rin sa 1,989 bahay ang napinsala, kabilang ang 203 na tuluyang nawasak. Tinatayang nasa P3.1 bilyon na ang pinsala sa imprastraktura at mahigit P1.4 bilyon naman sa agrikultura.

Kabilang sa mga apektadong lugar ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Metro Manila at Mimaropa.

Mahigit P760 milyon na halaga ng tulong ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong komunidad, habang nagpapatuloy ang assessment at relief operations sa mga lugar na binaha at tinamaan ng landslide.

Bagama’t nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility sina Luis at Maymay, patuloy namang nagdudulot ng malalakas na pag-ulan ang habagat sa ilang bahagi ng bansa. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here