MANILA — Kinuwestiyon ng Office of the Ombudsman ang dalawang buwang overseas travel authority ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at pinalawig na medical leave ng kanyang inang si Sen. Loren Legarda habang nagpapatuloy ang preliminary investigation sa mga alegasyong may kaugnayan sa solar power projects.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nakakuha ang kanilang tanggapan ng travel authority ni Leviste na sumasaklaw mula Hulyo 26 hanggang Setyembre 24, para sa pagbiyahe sa ilang bansa.
Sinabi rin ni Clavano na nagsisimula nang maging “quite suspicious” para sa Ombudsman ang sunod-sunod na medical leave ni Legarda dahil may nagpapatuloy na imbestigasyon laban sa mag-ina.
Naka-medical leave si Legarda mula Agosto 17 hanggang 19, ayon sa Senate Secretariat. Nauna rin siyang nag-leave noong Agosto 3 hanggang 5 at Agosto 11 hanggang 12.
Kinumpirma naman ng Bureau of Immigration na umalis ng bansa sina Legarda at Leviste sa magkahiwalay na flight noong Agosto 2. Ayon sa National Bureau of Investigation, dumaan sila sa Hong Kong at patungong France. Wala silang derogatory record nang umalis ng bansa.
Nasa preliminary investigation stage sa Ombudsman ang plunder at graft complaints laban kina Legarda at Leviste kaugnay ng mga alegasyon sa solar energy projects. Ang naturang imbestigasyon ay hindi pa katumbas ng paghahain ng kaso sa korte o paghatol sa kanilang pananagutan.
Nauna nang itinanggi ni Legarda ang mga alegasyon at tinawag itong “false and baseless,” habang iginiit niyang walang public funds na sangkot at handa siyang ilabas ang katotohanan.
Humingi na rin ng panibagong tugon mula kina Legarda at Leviste kaugnay ng pinakahuling pahayag ng Ombudsman. Santi Celario