MANILA, Philippines — Nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa publiko, media at content creators na huwag nang ipakalat ang mga sensitibong video, larawan at hindi beripikadong impormasyon kaugnay ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School nitong Martes, Agosto 18.
“Let us choose compassion over clicks,” apela ng DepEd, kasabay ng panawagang igalang ang privacy at dignidad ng mga apektadong pamilya, mag-aaral, school personnel at buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga.
Ayon sa kagawaran, ang patuloy na pagpapakalat ng naturang materyales ay maaaring makadagdag sa trauma at distress ng mga direktang naapektuhan at kanilang mga mahal sa buhay. Hinikayat din nito ang publiko na umasa lamang sa beripikadong impormasyon mula sa mga opisyal na source habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si Education Secretary Sonny Angara sa mga pamilya at miyembro ng school community na naapektuhan ng insidente.
Inatasan din ni Angara ang DepEd Regional Office IX na makipag-ugnayan sa paaralan at mga kinauukulang awtoridad at tiyaking may psychosocial support para sa mga apektadong estudyante, guro at pamilya.
Sinabi rin ni Angara na hihintayin ng DepEd ang resulta ng imbestigasyon ng Philippine National Police, kabilang ang pagsusuri kung paano napunta sa isang menor de edad ang mga armas at kung paano ito naipasok sa campus.
Dalawang estudyante ang nasawi sa pamamaril habang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang buong pangyayari at motibo sa insidente. Santi Celario