MANILA, Philippines — Umabot na sa 220 ang nasawi sa leptospirosis sa bansa ngayong 2026, habang 3,440 kaso ang naitala mula Enero hanggang Agosto 8, ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni DOH Disease Prevention and Control Medical Officer Dr. Anne Dominique Asis-Matuba na mas mababa ang kasalukuyang bilang ng mga kaso kumpara sa 5,318 na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Gayunman, mahigpit na binabantayan ng kagawaran ang posibleng pagtaas ng kaso kasunod ng mga nagdaang pagbaha.
Pinayuhan ng DOH ang mga lumusong sa baha na agad maghugas ng katawan gamit ang sabon at malinis na tubig at, hangga’t maaari, gumamit ng protective boots at takpan ang anumang bukas na sugat kapag hindi maiiwasan ang pagdaan sa baha.
Hinikayat din ang mga magulang na huwag hayaang lumangoy o maglaro sa baha ang mga bata.
Pinakamahalaga, ayon sa DOH, na kumonsulta sa health center o doktor sa loob ng 24 hanggang 48 oras matapos ma-expose sa baha, lalo na sa mga may mataas na panganib ng leptospirosis.
Available nang libre sa mga health center ang antibiotic na doxycycline para sa mga kwalipikadong pasyente, ngunit binigyang-diin ng DOH na hindi ito dapat inumin nang walang konsultasyon sa health professional dahil hindi ito angkop para sa lahat at nakadepende sa uri ng exposure ang tamang paggamit nito.
Nagbabala rin ang DOH na bukod sa leptospirosis, dapat bantayan ngayong tag-ulan ang iba pang sakit gaya ng waterborne diseases, influenza at dengue.