MANILA, Philippines — Sinisiyasat na ng mga awtoridad ang gaming at chat history ng estudyanteng sangkot sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University upang matukoy ang posibleng motibo sa insidente, habang lumitaw na umano’y nakapagbanggit na ito noon ng planong pamamaril sa paaralan.
Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na isasailalim sa forensic analysis ang online activities ng estudyante bago makapagbigay ang mga imbestigador ng konklusyon sa dahilan ng pag-atake. Kinumpirma rin ng mga awtoridad na ini-livestream ng estudyante ang bahagi ng insidente.
Sa isang panayam, sinabi ng isang kaklase na ilang beses umanong nagbiro ang estudyante tungkol sa pamamaril sa paaralan at pagkakaroon nila ng mga baril sa bahay.
“Parang joke-joke lang na sinabi niya na ‘I will shoot the school.’ Tapos may joke pa na may baril siya sa bahay,” ayon sa kaklase.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya kung paano naipasok sa campus ang mga armas na ginamit sa pamamaril. Ayon sa mga awtoridad, dalawang baril ang dala ng estudyante at ang mga ito ay iniuugnay sa kanyang ama na tauhan ng Bureau of Customs.
Dalawa ang nasawi sa insidente nitong Martes, Agosto 18—isang Grade 10 student at ang estudyanteng responsable sa pamamaril. May iba ring nasugatan habang nagdulot ng takot at kaguluhan sa loob ng campus ang sunod-sunod na putok.
Samantala, nanawagan ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko na huwag nang i-repost o ikalat ang mga video at iba pang sensitibong content kaugnay ng insidente upang hindi na mabigyan ng karagdagang audience ang naturang karahasan.
Hinimok din ng CICC ang mga magulang na bantayan ang online at gaming activities ng kanilang mga anak at panatilihin ang bukas na komunikasyon tungkol sa kanilang pinapanood at kinokonsumong content sa internet.
Patuloy ang imbestigasyon sa motibo, access sa mga armas, online activities ng estudyante at iba pang pangyayaring humantong sa pamamaril. Mary Anne Sapico