MANILA, Philippines — Kinansela ng Senate Impeachment Court ang nakatakdang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Miyerkoles, Agosto 19, dahil sa inaasahang patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Inilabas ni Senate Secretary at Impeachment Clerk of Court Renato Bantug Jr. ang abiso nitong Martes, Agosto 18, kasunod ng direktiba ng presiding officer.
“In view of the anticipated continued heavy rainfall associated with the enhanced Southwest Monsoon and upon the instruction of the Presiding Officer, the trial scheduled on Wednesday, August 19, 2026 is hereby cancelled,” saad sa notice.
Nauna nang nagpatupad ang Malacañang ng alternative work arrangements sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila at iba pang lugar na apektado ng patuloy na pag-ulan.
Patuloy na pinalalakas ng mga umiiral na weather system ang southwest monsoon o Habagat na nakaaapekto sa malaking bahagi ng Luzon at Visayas.
Wala pang inanunsyong bagong petsa para sa pagpapatuloy ng nakanselang impeachment trial. Dave Baluyot