Home NATIONWIDE Lisensya nina Derek Ramsay, kaibigan posibleng bawiin sa ‘pekeng plaka’ issue

Lisensya nina Derek Ramsay, kaibigan posibleng bawiin sa ‘pekeng plaka’ issue

1
0

MANILA, Philippines — Posibleng masuspinde o tuluyang mabawi ang driver’s licenses ng aktor na si Derek Ramsay at kaibigan nitong negosyanteng si Anthony Jude Violago kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y hindi awtorisadong plaka ng isang Porsche 918 Spyder.

Ayon sa Land Transportation Office (LTO), nakasalalay sa magiging desisyon ng Intelligence Division ang posibleng karagdagang parusa sa dalawa. Samantala, nakapailalim na sa 90-day preventive suspension ang lisensya ni Violago.

Nagsimula ang imbestigasyon matapos mamataan ng LTO sa isang social media post ang luxury car na may plakang hindi tugma sa opisyal nitong rehistro.

Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao sa isang panayam na naibenta na umano ni Ramsay kay Violago ang sasakyan, ngunit nilagyan ito ng plaka na may initials ng huli.

“Mabigat po ‘yon kasi… kumbaga, pinapalitan ‘yung identity ng sasakyan eh, ibang plaka ‘yung nilagay, so bawal po talaga ‘yon,” ani Lacanilao.

Ayon pa sa opisyal, ipinaliwanag umano na ginamit ang naturang plaka habang papunta sa isang event.

Boluntaryong humarap sina Ramsay at Violago sa LTO noong Agosto 17, mas maaga sa itinakdang pagharap nila sa Intelligence Division sa Agosto 24. Isinuko rin ang Porsche, na nananatiling nasa kustodiya ng ahensya habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Isinuko rin ni Violago ang kanyang driver’s license.

Sinabi ni Lacanilao na humingi ng paumanhin ang dalawa at nakipagtulungan sa imbestigasyon. Ipinaliwanag naman umano ni Ramsay na nasa ibang bansa siya nang mangyari ang insidenteng iniimbestigahan.

May P5,000 multa para sa improper attachment ng authorized motor vehicle license plate, ngunit maaari pang magkaroon ng hiwalay na administrative sanction depende sa resulta ng pagdinig.

Nauna nang sinabi ni Ramsay sa kanyang social media account noong Agosto 16 na may tamang plaka ang kanyang mga sasakyan.

Patuloy na inaalam ng LTO ang mga dokumento ng Porsche at pananagutan ng bawat sangkot bago maglabas ng pinal na desisyon sa kaso. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here