MANILA, Philippines – PATAY ang 35-anyos na lalaki makaraang paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang salarin sa harap ng isang tindahan sa Malabon City.
Kaagad na binawian ng buhay sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa ulo, likod, at kanang braso ang biktimang si Kenneth Alapide, residente ng Dimpsite, Sitio 6, Brgy. Catmon, habang mabilis na tumakas ang hindi pa batid na bilang ng mga salarin patungo sa hindi natukoy na lugar.
Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nangyari ang insidente ng pamamaslang dakong alas-10:30 ng gabi sa harap ng isang tindahan sa Block 1, NASACA, Sitio 6, sa naturang barangay.
Sa pahayag sa pulisya ng may-ari ng tindahan na si alyas “Emerson,” umupo sa harapan ng kanyang tindahan ang biktima upang doon humitit ng binili niyang sigarilyo, habang pumasok naman siya sa loob ng bahay para magpahinga.
Makalipas ang ilang sandali ay nakarinig na siya ng sunod-sunod na putok ng baril kaya gumapang siya palabas nang tumigil ang pamumutok, at dito niya nakita ang duguan at wala nang buhay na katawan ng biktima na nakahandusay sa lapag.
Ayon kina P/MSg. Ernie Baroy at P/MSg. Diego Ngippol, na may hawak ng kaso, nakuha sa crime scene ang siyam na basyo at anim na depormadong bala mula sa kalibre .45 na pistola na isasailalim sa ballistic examination, habang inaalam pa nila ang motibo sa pamamaslang, pati na ang pagkakakilanlan ng mga suspek.