MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Martes sa mga employer tungkol sa karapatan ng mga manggagawa sa gitna ng posibleng panganib dulot ng mga sakuna, tulad ng sunod-sunod na pagbaha na dala ng mga bagyo at Habagat.
Sa inilabas na advisory, sinabi ng DOLE na dapat unahin ng mga employer ang kaligtasan ng mga manggagawa at magpatupad ng alternative work arrangements kung may banta ng agarang panganib.
Kabilang sa mga “disruptive events” ang natural at man-made disasters, tulad ng pagbaha, bagyo, lindol, public health emergencies, aksidente sa industriya, at iba pang pangyayaring maaaring magdulot ng panganib sa mga manggagawa.
Ayon sa Labor Advisory No. 15, Series of 2025, hindi dapat parusahan ang mga empleyadong hindi nakapasok sa trabaho dahil sa banta ng agarang panganib.
Kung walang mas paborableng patakaran ang kumpanya o CBA, inirekomenda ng DOLE ang “No Work, No Pay” para sa mga araw na nasuspinde ang trabaho dahil sa masamang panahon.
Gayunpaman, maaaring manatili ang mga essential personnel para masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyo, basta may sapat na proteksyon at safety measures para sa kanila.
Sa panahon ng sakuna at agarang panganib, dapat magsuspinde ng operasyon ang mga employer, magpatupad ng alternative work arrangements, at isaalang-alang ang pangangailangan ng mga vulnerable workers.
Tungkulin din ng mga employer na magpatupad ng disaster preparedness at workplace safety programs, magsagawa ng hazard identification at risk assessment, at magbigay ng PPE at iba pang safety measures.
Para sa mga reklamo o katanungan tungkol sa setup sa trabaho sa panahon ng sakuna, maaaring tumawag sa DOLE hotline 1349 o mag-email sa [email protected].