MANILA, Philippines – Anuman ang binubuong flood control master plan ngayon ay hindi lamang dapat komprehensibo kundi dapat ding idinisenyo para saklawin ang maraming administrasyon, upang matiyak ang continuity nito sa kabila ng pagbabago ng pamahalaan, iginiit ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules, Agosto 19.
Ginawa ni Lacson ang panawagan matapos niyang pansinin na madalas isinasantabi ng mga sumunod na administrasyon ang mga master plan na binuo ng mga nauna sa kanila, dahilan upang patuloy na magdusa ang mga ordinaryong Pilipino dahil sa mga epekto ng pagbaha.
“Dapat may continuity, multi-administration. Dapat nagko-cross ng administrations ang plano kung ito’y maayos. Pwede siguro mag modify, mag-adapt sa bagong sitwasyon sa pagbabago ng panahon, pero nandiyan ang basic master plan kung paano tutugunan ang problema ng pagbaha,” aniya sa isang panayam sa DZBB.
Nabanggit niya na noong administrasyong Aquino, bumuo noon ng flood control master plan si dating Public Works Secretary Rogelio Singson, ngunit nabalewala ito noong administrasyong Duterte.
Ani Lacson, malaki ang itinaas ng pondo para sa mga flood control project sa magkakasunod na administrasyon. Mula 2011 hanggang 2016, umabot sa P183.546 bilyon ang pondo. Umakyat ito sa P748.417 bilyon mula 2017 hanggang 2022, at sumirit sa P1.0066 trilyon mula 2023 hanggang 2025.
“Natandaan ko si Sec. Singson naka-craft na siya ng master plan di ganun kalaki ang gugugulin, mas matipid, systematic at mapigilan ang baha. Ang problema pagpalit ng admin nawala na. Nabasura ang planong ginawa ng dating admin. Ganun din ang mga sumusunod, kanya-kanyang paggawa ng plano,” aniya.
Sinabi ni Lacson na kung sinunod sana ang master plan ni Singson, maaaring naiwasan o mas naging episyente ang paggamit sa bahagi ng P1.939 trilyong ibinuhos ng Department of Public Works and Highways para lamang sa flood control.
Mas malala, sinabi niya na batay sa mga testimonya ng mga dating opisyal ng DPWH kabilang sina Roberto Bernardo, Henry Alcantara at Brice Hernandez, maaaring 35 hanggang 40 porsiyento ng P1.939 trilyon ang nawala dahil sa korapsyon.
“Kwentahin nyo na lang ang 35-40% ng P1.9 trillion kung magkano ang nawala. Tapos nandiyan pa ang baha,” aniya. Ernie Reyes