MANILA, Philippines – Malaki ang maitutulong ng mga civil engineer at kanilang forensic expertise sa pagtukoy ng pananagutan hindi lamang sa flood control project kundi pati sa iba pang imprastraktura gaya ng mga kalsada at tulay, diin ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules, Agosto 19.
Nanawagan si Lacson sa mga asosasyon ng mga civil engineer na bumuo ng mga inspection team na maaaring magsuri sa mga kalsada, tulay at iba pang imprastrakturang napinsala ng mga nagdaang pagbaha, at gamitin ang forensic analysis para makita kung ang pinsala ay dulot ng disenyo o pagpapagawa ng proyekto.
“Manawagan tayo sa association ng civil engineers, dapat siguro sila kumilos na mag-inspection. O kung may gumuho, magpapunta sila ng member doon kung may association sila, i-forensic nila ano kakulangan base sa kanilang kaalaman. Kung nagkulang sa structural design o implementation dapat habulin ang contractor,” aniya sa isang panayam sa DZBB.
“Wala kasing napapanagot. Kung talagang hahabulin, balikan ang ginawa five years ago or ilang taong nakalipas,” dagdag niya.
Sinabi ni Lacson na makatutulong ang naturang forensic inspection upang matukoy ang pananagutan at kung sinu-sino ang dapat managot, kabilang ang mga contractor, mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga pulitikong nagpanukala ng mga naturang infrastructure project.
“Dapat yan isa isa balikan at habulin ang contractor, DPWH officials, kung sinong pulitiko nag-propose ng infra project na yan, hindi lang flood control,” aniya.
Aniya, dapat saklaw ng paghahanap ng pananagutan hindi lamang ang mga flood control project kundi pati ang iba pang infrastructure project na maaaring lumitaw ang mga pagkukulang dahil sa mga nagdaang pagbaha. Ernie Reyes