San Miguel, Bulacan – Inabisuhan ng kinauukulan ang kanilang pamayanan na karaniwang binabaha na maghanda sa paglikas dahil sa posibleng pagbaha dahil sa pagpapalabas ng tubig mula sa Bulo Dam.
Sa ulat ng San Miguel MDRRMO nitong hapon ng Agosto 19, dapat maghanda, magtaas at maggayak sa paglikas ang pamayanan ng Brgy. Salacot, Buga, Ilog Bulo, Bagong Silang, Mandie, Pinambaran, Cambio, King Kabayo, Baritan at mga karatig barangay dahil posibleng pagbaha sa patuloy na pagpapalabas ng tubig mula sa Bulo Dam na patungong Bulo river.
Nabatid na pinaghahanda rin ang mga naninirahan sa mga barangay na dinadaanan ng San Miguel River mula sa Brgy. Camias, Tigpalas, San Jose, San Juan, Poblacion, San Vicente, Sta Rita Bata at Matanda, Paliwasan, Salangan, San Agustin, Batasan Matanda at Bata kung kinakailangan.
Sinasabing ang pagtaas ng tubig baha sa kailugan ay dulot ng malakas na ulan sa kabundukan dala ng habagat at dahil puno na rin ang candaba swamp na dinadaluyan ng tubig baha mula sa bayan ng San Miguel.
Sakaling may mga pangangailangang emergency ay tumawag sa MDRRMO hotline 09177152016.
Hangad ng pamahalaang bayan katuwang ang Sangguniang Bayan ang kaligtasan at kapanatagan ng bawat mamamayan ng bayang ito. Dick Mirasol III