Home NATIONWIDE VP Sara pabor sa social media ban sa minors; platforms dapat managot

VP Sara pabor sa social media ban sa minors; platforms dapat managot

3
0

MANILA, Philippines — Suportado ni Vice President Sara Duterte ang pagpasa ng batas na magbabawal sa mga menor de edad na magparehistro sa social media, ngunit iginiit niyang dapat sa mga platform mismo ipataw ang responsibilidad sa pagpapatupad nito.

Sa ambush interview sa Zamboanga City nitong Agosto 19, sinabi ni Duterte na magiging mahirap na isa-isang ipatupad ang pagbabawal sa milyun-milyong kabataan kaya mas praktikal umanong obligahin ang social media companies na pigilan ang paggawa ng account ng mga menor de edad.

“Ang pagba-ban kasi dapat nandito sa side ng provider,” ani Duterte.

Ginamit niya bilang halimbawa ang Facebook, kung saan aniya’y dapat ang mismong platform ang may mekanismo upang hindi makapagrehistro ang mga user na hindi pasok sa itinakdang edad.

Ang pahayag ng Bise Presidente ay kasunod ng panibagong debate sa paggamit ng social media ng mga kabataan matapos ang fatal shooting sa Ateneo de Zamboanga University noong Agosto 18. Sinisiyasat din ng mga awtoridad ang digital activity ng student shooter at kung paano kumalat online ang graphic content kaugnay ng insidente.

May mga panukala na sa Kongreso na naglalayong higpitan ang social media access ng mga bata ngunit magkakaiba ang itinatakdang edad.

Sa Kamara, inihain ang House Bill No. 9965 o proposed Children’s Social Media Safety Act, na kabilang sa mga probisyon ang pagbabawal sa mga batang wala pang 13 taong gulang na gumawa, magpanatili o gumamit ng social media account.

Sa Senado, isinusulong naman ni Senate President Sherwin Gatchalian ang panukalang pagbabawal sa mga wala pang 16 taong gulang na gumamit ng social media platforms.

Nauna nang sinabi ng Malacañang na kailangang masusing pag-aralan ang mga panukalang paghihigpit sa social media access ng minors dahil magkakaiba ang mga iminungkahing age threshold at paraan ng pagpapatupad. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here