Home NATIONWIDE VP Sara ‘di nakikipagtulungan sa imbestigasyon sa Confi funds: Wala cooperation, walang...

VP Sara ‘di nakikipagtulungan sa imbestigasyon sa Confi funds: Wala cooperation, walang participation – Barbers

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni House impeachment adviser at prosecution spokesperson Robert Ace Barbers na may nakasanayan umano si Vice President Sara Duterte na hindi pagbibigay ng impormasyon at pag-iwas sa congressional scrutiny tungkol sa paggamit niya ng confidential funds.

Patuloy na sinusuri ng Senate impeachment court ang Article I ng impeachment case, na nag-aakusa kay Duterte ng maling paggamit at liquidation ng P612.5 milyon na confidential funds.

Ayon kay Barbers, makikita umano ang kawalan ng kooperasyon ng Office of the Vice President (OVP) sa 2024 House inquiry tungkol sa confidential funds. Sinubukan din umano ng OVP na pigilan ang pagpapalabas ng ilang dokumentong hiniling ng mga mambabatas.

“So obviously na merong pagpipigil, merong pagtatago sa katotohanan. Kaya nga, these are all as hiding the truth. Kumbaga, hindi transparent, hindi open,” sabi ni Barbers.

Kabilang sa mga dokumentong kinilala ng Senate impeachment court ang Agosto 21, 2024 na liham ni dating OVP Undersecretary at Chief of Staff Zuleika Lopez kay Commission on Audit Chairman Gamaliel Cordoba. Ayon sa prosecution, hiniling sa liham na huwag tugunan ng COA ang House subpoena para sa mga dokumento ng OVP at Department of Education (DepEd).

Kasama rin sa records ang Setyembre 23, 2024 na liham ni Duterte kay Rep. Joel Chua, kung saan sinabi niyang hindi siya dadalo sa deliberasyon ng komite at hiniling niyang tapusin na ang inquiry.

Mayroon ding Nobyembre 5, 2024 position paper mula kina Lopez, dating OVP special disbursing officer Gina Acosta, dating DepEd SDO Edward Fajarda at iba pa, kung saan tumanggi silang dumalo sa hearings at hiniling din na wakasan ang imbestigasyon.

Ayon kay Barbers, ipinakita ng mga dokumento kung gaano kahirap para sa House investigators na makakuha ng mga kinakailangang dokumento at testimonya tungkol sa confidential fund transactions.

“Nung panahon pa lang ng committee hearing sa Kongreso, wala na ngang cooperation, walang participation, at meron ngang action pigilan ’yung mga dokumentong sina-subpoena ng committee para maging basehan ito sa investigation and legislation,” aniya.

Binigyang-diin ni Barbers na dahil malaking halaga ng pera ng mga taxpayer ang sangkot, mahalagang magkaroon ng transparency at paliwanag sa publiko.

“Considering that a large amount of public funds were used, eh dapat may paliwanag sa bayan.”

Sa Article I, inaakusahan si Duterte ng umano’y misuse, misappropriation at irregular liquidation ng P612.5 milyon na confidential funds: P500 milyon na inilabas sa OVP mula Disyembre 2022 hanggang Setyembre 2023, at P112.5 milyon na inilabas sa DepEd sa tatlong quarter ng 2023 habang siya ang Education Secretary. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here