Home LIFESTYLE HEALTH Pagkalat ng plague sa Pinas, malabong mangyari – eksperto

Pagkalat ng plague sa Pinas, malabong mangyari – eksperto

4
0

MANILA, Philippines – Malabong magkaroon ng outbreak ng plague sa Pilipinas kasunod ng ulat ng hinihinalang kaso ng pneumonic plague sa Russia, ayon sa eksperto sa nakahahawang sakit na si Dr. Nimfa Putong.

Aniya, maiiwasan at nagagamot ang sakit, ngunit pinayuhan ang publiko na manatiling alerto at huwag mag-panic.

“Hindi dapat natin ito ikabahala sa ngayon sa Pilipinas… na sa palagay naman natin ay malabong mangyari sa ngayon dahil unang una may gamot na tayo… dahil ito ay bacteria, ito ay preventable. Ito ay treatable din,” aniya.

Ayon kay Putong, hindi pa kumpirmadong plague ang sakit na ikinamatay ng isang 28-anyos na Russian laboratory technician. Inilarawan umano ng mga awtoridad sa Russia ang sakit bilang pneumonia na hindi pa matukoy ang pinagmulan.

“Wala pa naman talagang idineklara na outbreak ng pulmonary plague dito sa Russia. Hindi naman talaga confirmed na ito ay Yersinia pestis pa. Although nakikita natin na 200 ang quarantined, yung mga close contact, at apparently nagbigay na ng cream of prophylaxis yung 7 days. But ang point natin doon, better to err on the error of permission,” pahayag niya.

“Maganda yung kahit walang resulta, kahit negative ang result, but with a high degree of suspicion, at least mayroon ng intervention na ginagawa,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Putong na nagsimula nang maghanda ang Department of Health (DOH), kahit sinabi ng World Health Organization (WHO) na hindi pa ito maituturing na public health emergency of international concern. Nakikipagtulungan din ang DOH sa Bureau of Quarantine upang bantayan ang mga biyaherong dumarating sa mga paliparan at pantalan ng Pilipinas mula sa Siberia, Russia.

Ang plague ay sakit na dulot ng bacteria na Yersinia pestis. Naipapasa ito sa tao sa pamamagitan ng kagat ng infected na pulgas na dala ng maliliit na hayop, kabilang ang mga daga.

May tatlong uri ito: bubonic plague, na umaapekto sa mga kulani; septicemic plague, na kumakalat sa dugo at mahahalagang bahagi ng katawan; at pneumonic plague, na umaapekto sa baga at maaaring maipasa sa ibang tao sa pamamagitan ng respiratory droplets.

Ayon kay Putong, bihira ang pneumonic plague ngunit mabilis itong lumala at maaaring ikamatay kapag hindi agad nagamot.

“Pero dito sa pneumonic plague natin, this is very rare. Kailangan mataas ang bacterial load at kailangan ng close contact para makuha ang infection… pero sabi nga natin, still it’s human to human, napakabilis ng sintomas. In 24 hours, kung hindi agad may bibigyan ng tamang gamutan, pwedeng ikamatay,” aniya.

Maaari namang gamutin ang plague gamit ang antibiotics tulad ng gentamicin, streptomycin, fluoroquinolones at doxycycline.

Kung magkaroon ng outbreak, pinayuhan ang publiko na umiwas sa matataong lugar, mga saradong lugar na kulang sa bentilasyon, at malapitang pakikisalamuha sa mga posibleng infected.

Maaaring magsimula ang sakit sa mga sintomas na kahawig ng trangkaso, gaya ng mataas na lagnat, sakit ng ulo at pananakit ng katawan. Sa loob ng 18 hanggang 24 oras, maaari itong magdulot ng hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib at pag-ubo na may kasamang dugo.

“Pag nakita na natin na nahihirapan na huminga, nawawala na sa sarili, mayroong dugo yung pag-ubo, sumasakit ang dibdib, emergency na ito at kailangang madala sa hospital,” paalala ni Putong. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here