BACOLOD CITY, Philippines – Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI)-Bacolod ang isang senior citizen sa Barangay Estefania, Bacolod City noong Agosto 18 dahil sa umano’y ilegal na pagre-refill ng butane canisters sa kanyang bahay.
Ayon kay NBI-Bacolod executive officer William De Arca Jr., nagsagawa sila ng raid matapos makatanggap ng mga reklamo mula sa ilang kumpanya tungkol sa ilegal na pagre-refill ng LPG sa mga butane canister.
Sa bahay ng suspek, nakumpiska ang ilang crate ng mga canister ng iba’t ibang brand at mga kagamitang ginagamit sa pagre-refill. Mayroon ding isang kuwarto na partikular na ginagamit para sa operasyon.
Wala umanong lisensya o permit ang suspek para magsagawa ng ganitong gawain. Dapat lamang itong isagawa ng mga awtorisadong outlet at dumaan sa tamang proseso.
Nakarekober din ang NBI ng isang .45 caliber pistol, magazine, at walong bala matapos magsagawa ng hiwalay na search warrant para sa loose firearms at ammunition. Isasailalim sa ballistic examination ang baril.
Nabatid din ng NBI na may mga dati nang kaso ang suspek na may kaugnayan sa pang-aabuso sa mga bata at kababaihan at grave threat.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 11592 o LPG Industry Regulation Act. Maaari ring magsampa ng hiwalay na kaso ang mga kumpanyang apektado.
Pinaalalahanan ng NBI ang publiko na bumili lamang ng butane canisters sa mga awtorisadong tindahan at lehitimong distributor dahil mas ligtas ang mga ito. Hinimok din ang mga nagsasagawa ng ilegal na pagre-refill na itigil ang operasyon dahil maaari itong magdulot ng panganib sa komunidad. RNT/MDS