TAGUIG CITY, Philippines – Sapilitang inilikas ng Taguig City government ang 11 pamilya na nakatira sa kahabaan ng C5 Road noong Miyerkules, Agosto 19, dahil sa banta ng landslide at iba pang panganib.
Ayon sa Barangay Western Bicutan, isinagawa ang evacuation at pagsasara ng kalsada upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Nagsagawa rin ng inspeksyon ang Search and Rescue Team ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, Public Order and Safety Office, at Taguig Police sa mga high-risk na lugar sa barangay.
Inalis din ng city government ang isang pader na tumagilid at bumagsak sa C5 Road.
Nakipagtulungan ang City Social Welfare and Development Office at Barangay Western Bicutan upang maging maayos ang paglilikas sa mga apektadong pamilya.
Patuloy na nakararanas ng malalakas na pag-ulan ang Metro Manila dahil sa Habagat, na nagdulot din ng pagbaha sa ilang bahagi ng Taguig. RNT/MDS