MANILA, Philippines – Pinangunahan ng Pilipinas ang South-South Exchange kasama ang pitong bansa sa South at Southeast Asia upang palakasin ang sistema ng pampublikong pananalapi at matiyak ang sapat na pondo para sa edukasyon, kalusugan, nutrisyon, at social protection ng mga bata.
Idinaos ng Department of Budget and Management (DBM), katuwang ang European Union (EU) at UNICEF, ang tatlong araw na pagpupulong mula Agosto 18 hanggang 20. Dumalo ang mga kinatawan mula Bangladesh, Bhutan, Mongolia, Nepal, Pilipinas, Sri Lanka, Thailand, at Vietnam.
Nagbahagi ang mga bansa ng mga paraan upang maging mas mahusay, transparent, at matatag ang paggamit ng pondo ng pamahalaan, lalo na sa panahon ng kakulangan sa budget, economic problems, at climate-related disasters.
Tinalakay din ang budget tagging, expenditure tracking, at evidence-based planning upang masigurong napupunta ang pondo sa mahahalagang serbisyo para sa mga bata.
Ayon kay Acting Budget Secretary Kim Robert De Leon, hindi dapat ituring na gastos lamang ang paglalaan ng pondo para sa mga bata.
“Spending for our children should never be seen merely as a cost. When we invest in a child, the return is measured, not only in pesos or percentages, but in healthier lives, better opportunities, stronger communities, and ultimately, stronger nations,” De Leon said.
Sinabi naman ni UNICEF Philippines Representative Kyungsun Kim na mahalagang mapalakas ang public finance system habang papalapit ang Pilipinas sa pagiging upper-middle-income country, upang masigurong napupunta nang maayos at patas ang pondo sa mga bata.
Samantala, sinabi ni EU Chargé d’Affaires Frederic Grillet na sinusuportahan ng partnership ang mga layunin ng EU Global Gateway Strategy, kabilang ang pagpapalakas ng mga institusyon, pamamahala, at human capital.
Mula nang ilunsad noong 2019, nakapaglaan na ang EU ng 3 milyong euro para sa EU-UNICEF Public Finance Facility na nagbibigay ng technical assistance, kaalaman, at policy support sa mga pamahalaan sa rehiyon.
Nagtapos ang pagpupulong sa pagkilala ng mga bansa sa mahahalagang aral at muling pagpapatibay ng kanilang commitment na gawing mas responsable, transparent, at nakatuon sa resulta ang paggamit ng pampublikong pondo. RNT/MDS