Home NATIONWIDE PBBM, walang reax sa pagbaligtad, pagbawi ni Guteza sa mga alegasyon nito...

PBBM, walang reax sa pagbaligtad, pagbawi ni Guteza sa mga alegasyon nito vs Romualdez

1
0

MANILA, Philippines – Walang reaksyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ginawang  pagbawi ni Orly Guteza, isang dating sundalo at dating security aide ng dating mambabatas na si Zaldy Co, sa kaniyang naunang pahayag na naghatid siya ng mga maleta na puno ng pera kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na parte ng balita ang ginawa ni Guteza kaya’t hindi aniya nahuhuli ang Pangulo sa mga balitang gaya nito. Iyon nga lamang aniya ay walang reaksiyon na ibinigay sa kanya ang Pangulo.

At nang tanungin naman si Castro kung ang ginawa ni Guteza ay magiging daan para makompromiso ang kredibilidad at integridad ng imbestigasyon ng Senado at Ombudsman sa flood control scandal, sinabi ni Castro na “Ang nais naman po ng Pangulo ay laging ayon sa batas, hindi gawa-gawang ebidensiya. Kung totoong mapapatunayan na siya ay gumawa lang ng mga kuwento, hindi naman din ito makakabuti sa pagpo-pursue sa mga tao na dapat managot. So, ang kailangan po ng pamahalaan, kailangan ng Ombudsman, kailangan ng DOJ, ng mga investigating bodies natin ay totoong salaysay.”

“So, kung sila naman po ay magsasabi ng kuwento, salaysay na walang katotohanan, mas makakasira siya sa paghabol sa mga tao na dapat managot; mas hindi siya magiging epektibo,” aniya pa rin.

At sa tanong naman sa kung saan hahantong ang imbestigasyon hinggil sa flood control scam, ang naging tugon ni Castro ay magtutuloy-tuloy pa rin naman ito.

“At ang Ombudsman, ang sabi po niya, ang Office of the Ombudsman pati naman po ang DOJ ay tuluy-tuloy sa pag-iimbestiga. At ayon na rin po sa Senado, ang kanilang mga nakolekta, na-gather, na naipon na mga dokumento at mga ebidensiya ay ibinigay na nila sa Ombudsman,” ang winika ni Castro.

Pati aniya ang DPWH ay patuloy na nag-iimbestiga.

“At kung mayroon pa silang makikita pang iba pang mga masasabing ghost projects or mga substandard mga proyekto or substandard na mga proyektong hindi nakabuti sa pag-control ng baha, ipagbibigay din pong alam ito at maaari din pong paimbestigahan ito para tuluy-tuloy po ang pagpapanagot sa mga dapat na managot,” diing pahayag ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here