Pormal nang nagretiro sa AFP Reserve Force si dating 1-PACMAN Party-list Representative at AFP Reservist Brig. Gen. Michael “Mikee” Romero matapos niyang isuko ang kanyang tungkulin bilang Wing Commander ng Tactical Operations Wing Reserve Northern Luzon, epektibo Agosto 19, 2026.
Sa kanyang letter of relinquishment of duties and retirement na ipinadala kay AFP Chief of Staff Gen. Antonio Nafarrete, nagpahayag si Romero ng taos-pusong pasasalamat sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines at sa mga sundalong nakasama niya sa serbisyo.
Aniya, isang malaking karangalan at pribilehiyo ang makapaglingkod sa bansa kasama ang magigiting na kalalakihan at kababaihan ng AFP.
Ang naging serbisyo ni Romero sa national defense ay hindi lamang nakatuon sa kanyang pagiging reservist, kundi maging sa kanyang naging trabaho bilang mambabatas.
Noong 2018, kabilang si Romero sa mga nagsulong ng mga hakbang na nagbigay ng malaking dagdag sa sahod at benepisyo ng military at iba pang uniformed personnel. Umabot sa 58.7 porsiyento ang average increase sa basic pay na ipinatupad noong taong iyon.
Naging bahagi rin siya ng pagsusulong ng humigit-kumulang ₱22 bilyong pondo para sa acquisition ng tatlong C-130J Super Hercules transport aircraft para sa Philippine Air Force, na mahalaga sa strategic airlift, humanitarian assistance at disaster response ng bansa.
Bilang reservist, lumahok si Romero sa mahigit 60 voluntary missions at engagements na kinabibilangan ng food assistance, medical at dental missions, educational support, humanitarian assistance at disaster response.
Mahigit 20,000 Pilipino ang natulungan sa mga komunidad sa Pag-asa Island, Mavulis at Itbayat sa Batanes, Basilan, Tawi-Tawi, Jolo, Dinagat Islands, Zamboanga, North Cotabato, Bulacan at Pampanga.
Bilang chairman ng Association of Reservists and Reservist Administrators of the Philippines o ARRAPI, itinulak din ni Romero ang mas malawak na partisipasyon ng citizen-soldiers sa national defense, humanitarian assistance at disaster response.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, lumaki ang ARRAPI sa mahigit 5,000 miyembro sa buong bansa. Kabilang sa mga naging inisyatiba nito ang pagpapakalat ng mga truck para tumulong sa rescue at evacuation ng mga biktima ng baha sa Bulacan, paghahatid ng medical supplies at equipment sa mga komunidad sa Tawi-Tawi, at pagdaraos ng 2025 AFP National Reservist Convention sa Makati City na dinaluhan ng libu-libong reservist.
Pinasalamatan din ni Romero ang AFP sa validation process at tiniyak ang kanyang pagtitiwala na ang kanyang mga medalya, parangal at iba pang pagkilala sa serbisyo ay maitatala nang maayos sa official records.
Bagama’t tapos na ang kanyang serbisyo sa uniporme, sinabi ni Romero na magpapatuloy ang kanyang commitment sa public service, national defense at humanitarian work.
“Tapos man ang serbisyo sa uniporme, tuloy ang tungkulin sa bayan, soberanya at bandila.”aniya. RNT