Home NATIONWIDE System loss charges sa bill ng kuryente, unti-unting tatanggalin – DOE

System loss charges sa bill ng kuryente, unti-unting tatanggalin – DOE

1
0

MANILA, Philippines – Iminungkahi ng Department of Energy (DOE) ang unti-unting pagtanggal ng non-technical system loss charges sa singil sa kuryente ng mga consumer.

Ayon kay DOE Undersecretary Riolita Inocencio, nakipagtulungan ang DOE at National Electrification Administration (NEA) para bumuo ng plano sa phased removal ng non-technical losses, na kinabibilangan ng pagnanakaw ng kuryente at ilegal na koneksyon.

Samantala, ang technical system loss ay likas na pagkawala ng kuryente habang dumadaan ito sa mga wire at transformer.

Iminungkahi naman ng NEA ang apat na yugto upang unti-unting maalis ang system loss charges sa mga bill ng kuryente:

–Stage 1: 25% ng non-technical system loss ang aalisin, kabilang ang mga loss na lampas sa cap na pinapayagang ipasa sa consumers ng Energy Regulatory Commission (ERC).

–Stage 2: 50% ang aalisin.

–Stage 3: 75% ang aalisin.

–Stage 4: 100% ng non-technical system loss ang tuluyang aalisin sa bill ng consumers.

Target ng NEA na simulan ang phased removal sa Enero 2027, kasabay ng plano nitong magbigay ng pautang sa mga electric cooperative upang matulungan silang saluhin ang gastos habang binabawasan ang system loss charges.

Sumang-ayon si ERC Chairman Francis Saturnino Juan na dapat itong gawin nang paunti-unti upang hindi mabigla ang mga electric cooperative at distribution utilities.

“Not all distribution utilities are equal… some have already lowered their system losses while many others still have to absorb huge system losses,” ani Juan.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na panahon nang alisin ang system loss charges sa electricity bills dahil hindi kasalanan ng consumers ang pagkawala o pagnanakaw ng kuryente.

Nanawagan din siya sa Kongreso na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang tuluyang matigil ang pagpasa ng system loss charges, kabilang ang kaugnay nitong VAT, sa mga consumer. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here