MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang 43 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P292.4 milyon mula sa shipment na idineklarang “talc stones” sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon sa BOC, itinago ang mga droga sa fabric pouches na ginawang kahawig ng mga bato upang maitago sa loob ng shipment mula Afghanistan.
Dalawang 20-foot container ang sumailalim sa 100% physical examination matapos ma-flag sa profiling at monitoring ng mga high-risk shipment.
Kinumpirma rin sa laboratory examination ng mga representative sample na methamphetamine hydrochloride o shabu ang nakuhang substance.
Sinabi ng BOC na may pagkakahawig ang modus sa naunang shipment mula Afghanistan na idineklarang “marble” at nasabat din sa MICP noong Pebrero 10. Umabot sa humigit-kumulang 40 kilo ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P272 milyon ang nakuha sa naturang operasyon.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, nakatulong ang mas mahigpit na profiling at risk management upang matukoy ang paulit-ulit na pattern ng drug smuggling sa mga high-risk shipment.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang BOC sa PDEA at iba pang law enforcement agencies para sa imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng shipment. RNT