Home HOME BANNER STORY Mag-iina natagpuang patay sa loob ng sasakyan sa Bulacan

Mag-iina natagpuang patay sa loob ng sasakyan sa Bulacan

1
0

BULACAN — Patay na nang matagpuan ang isang 31-anyos na ina at dalawa niyang anak, edad siyam at apat, sa loob ng sasakyang nakaparada sa isang liblib na bahagi ng Barangay Talacsan, San Rafael, Bulacan nitong Huwebes.

Nagtungo sa lugar ang mga opisyal ng barangay matapos makatanggap ng tawag bandang alas-2:00 ng hapon at doon nadiskubre ang tatlong biktima sa loob ng sasakyan.

Base sa paunang imbestigasyon ng San Rafael Municipal Police Station, kinilala ang mga biktima na residente ng Baliwag City. May nakita rin umanong mga pinsala sa ulo ng tatlo, ngunit patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang eksaktong sanhi ng kanilang pagkamatay.

Nagsagawa ng case conference ang San Rafael police nitong Huwebes ng gabi habang kinukunan din ng impormasyon ang mga kamag-anak ng mga biktima.

Bumalik naman ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa lugar nitong Biyernes ng umaga upang ipagpatuloy ang pagproseso sa sasakyan at pangangalap ng ebidensya.

Ayon sa barangay, posibleng noong Miyerkules ng gabi pa naiwan sa lugar ang sasakyan.

Wala pang opisyal na tinutukoy na suspek o motibo sa insidente. Hindi pa rin naglalabas ang pulisya ng pinal na findings hinggil sa sanhi at mga pangyayari sa pagkamatay ng mag-iina.

Sinabi naman ni San Rafael Vice Mayor Edison Veneracion na magbibigay ng tulong ang lokal na pamahalaan sa pamilya ng mga biktima. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here