Home METRO HOA pres dedo, treasurer sugatan sa pamamaril sa Caloocan

HOA pres dedo, treasurer sugatan sa pamamaril sa Caloocan

1
0

MANILA, Philippines — Patay ang 55-anyos na presidente ng isang homeowners association (HOA) habang sugatan ang treasurer nito matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang lalaki sa loob ng kanilang opisina sa Barangay 171, Bagumbong, Caloocan City nitong Huwebes.

Base sa paunang ulat, abala ang dalawang biktima sa pangongolekta ng buwanang bayad ng mga residente nang pumasok sa opisina ang suspek na nakasuot ng helmet pasado alas-3:00 ng hapon.

Sinabi ng isang testigo sa isang ulat na inakala nilang residente ang lalaki na magbabayad ng monthly amortization.

Hindi umano tinanggal ng suspek ang kanyang helmet at isinara pa ang pinto ng opisina bago pagbabarilin ang HOA president at treasurer.

Agad na bumagsak ang presidente matapos tamaan ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Nakahingi naman ng tulong ang sugatang treasurer at isinugod sa ospital, kung saan nananatili siyang under observation.

Ayon kay Barangay 171 VAWC Officer Yolly De Padua Misagal, hindi ito ang unang pagkakataong pinagtangkaan ang buhay ng nasawing HOA president.

Matapos ang pandemya, pinaputukan din umano nang tatlong beses ang bahay ng biktima ngunit wala siyang natamong sugat. Dahil dito, pansamantala umano siyang nanirahan sa probinsiya bago bumalik sa Caloocan.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng gunman at motibo sa pamamaril.

Wala pang opisyal na tinutukoy na suspek o dahilan sa pag-atake. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here