MANILA, Philippines — Umabot na sa 88 lungsod at bayan sa Luzon ang nasa ilalim ng state of calamity dahil sa epekto ng Habagat at mga bagyong Luis at Maymay, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Biyernes, Agosto 21.
Kabilang dito ang buong lalawigan ng Bataan, Bulacan, Pampanga at Cavite, gayundin ang ilang lugar sa Pangasinan, Zambales, Rizal at Batangas.
Sa Pangasinan, nasa ilalim ng state of calamity ang Dagupan City, Santa Barbara, Mangaldan, Bugallon at Mangatarem.
Kasama rin ang Masinloc sa Zambales, Rodriguez o Montalban sa Rizal, at Nasugbu sa Batangas.
Patuloy namang nakararanas ng pagbaha ang ilang lugar sa Pampanga, Bataan at Bulacan matapos ang ilang linggong malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.
Sa Pampanga, sinabi ng pamahalaang panlalawigan na mahigit kalahati ng mga barangay ang nananatiling binabaha at halos isang milyong residente ang naapektuhan. Umabot na rin umano sa P1.4 bilyon ang pinsala sa agrikultura.
Sa Bataan, tinatayang 8,000 residente mula sa 70 barangay ang lumikas dahil sa baha, habang isinailalim din sa state of calamity ang buong lalawigan nitong Huwebes.
Sa Bulacan, nananatili ring problema ang baha at putik sa ilang lugar, kabilang ang mga imprastrakturang napinsala ng matagal na pag-ulan.
Nagbabala rin ang PAGASA sa mga komunidad sa ibaba ng ilang dam sa Luzon dahil sa posibleng pagtaas ng tubig kasabay ng patuloy na pag-ulan.
Patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang mga apektadong lugar habang nagpapatuloy ang relief, clearing at rehabilitation operations. RNT