MANILA, Philippines — Isinusulong ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito ang P10,000 across-the-board increase sa basic monthly salary ng lahat ng public elementary at secondary school teachers sa bansa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 335 o “Dagdag Suweldo Para sa mga Guro Act,” lahat ng kwalipikadong public school teachers ay makatatanggap ng karagdagang P10,000 sa kanilang basic monthly salary, anuman ang haba ng kanilang serbisyo.
Ayon kay Ejercito, layunin ng panukala na kilalanin ang mahalagang papel ng mga guro sa edukasyon habang tinutugunan ang mga hamong pinansyal na kinakaharap nila.
“Being a teacher is not easy. They bear a heavy responsibility, yet often make significant sacrifices to fulfill their duties,” ani Ejercito.
Binigyang-diin ng senador na bukod sa pagtuturo, naghahanda rin ang mga guro ng lessons, nagche-check ng mga papel, gumagawa ng reports at gumagabay sa mga estudyante.
Aniya, ang mas maayos na kompensasyon ay makatutulong hindi lamang sa kalidad ng buhay ng mga guro kundi maging sa pagpapanatili ng mahuhusay na educators sa public school system.
“We cannot achieve quality education if the people on its front lines continue to struggle with their livelihood,” saad ni Ejercito.
Nakasaad sa panukala na ang pondong kakailanganin para sa P10,000 salary increase ay kukunin sa taunang General Appropriations Act. Ang Department of Budget and Management, katuwang ang Department of Education at iba pang kinauukulang ahensya, ang inaatasang bumuo ng implementing rules kapag naging batas ang panukala.
Ang Senate Bill No. 335 ay inihain ni Ejercito noong Hulyo 9, 2025 sa 20th Congress. Kaya panukala pa lamang ang P10,000 dagdag-sahod at hindi pa kasalukuyang benepisyong matatanggap ng mga guro. RNT