Home METRO MPD, binalaan nasa likod ng bomb threats sa mga paaralan

MPD, binalaan nasa likod ng bomb threats sa mga paaralan

4
0

MANILA, Philippines – Binalaan ng Manila Police District (MPD) ang mga nasa likod ng sunod-sunod na bomb threats sa ilang unibersidad sa Maynila na hahabulin sila ng batas.

Ayon kay MPD spokesperson Maj. Philipp Ines, seryosong tinatrato ng pulisya ang mga banta dahil nakataya ang kaligtasan ng mga estudyante at guro.

Nanawagan din siya sa mga estudyante na makipagtulungan sa imbestigasyon at agad magsumbong kung may nalalaman hinggil sa mga insidente.

Tiniyak ni Ines na pananatilihing kumpidensyal ang pagkakakilanlan ng mga magbibigay ng impormasyon.

Pinaalalahanan din niya ang publiko na ang bomb threat o bomb joke ay isang criminal offense sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727, na maaaring patawan ng hanggang limang taong pagkakakulong, P40,000 multa, o pareho depende sa desisyon ng korte.

Sinabi ng MPD na nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa mga insidente.

Mula Oktubre 20, tatlong unibersidad sa Maynila ang nakatanggap ng bomb threats—ang University of the East, University of Santo Tomas at De La Salle University.

Sa UE at UST, natagpuan umano ang mga banta sa mga papel na iniwan sa ibabaw ng toilet tanks, habang sa De La Salle University ay ipinadala ito sa pamamagitan ng email.

Giit ni Ines, walang perpektong krimen at patuloy na tutugisin ng mga awtoridad ang mga responsable. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here