MANILA, Philippines — Arestado ang isang 40-anyos na Chinese national matapos umanong bentahan ng ilegal na droga ang isang undercover police officer sa buy-bust operation sa Parañaque City nitong Huwebes ng gabi, Agosto 20.
Kinilala lamang ng pulisya ang suspek sa alyas na “Tiger,” isang online seller at residente ng Clark Field, Pampanga.
Ayon sa Southern Police District-Drug Enforcement Unit (SPD-DEU), isinagawa ang operasyon bandang alas-11:05 ng gabi sa isang unit sa Marina Seaview Residences, Barangay Tambo matapos matukoy ang suspek bilang high-value individual.
Nakuha umano mula sa suspek ang apat na sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 50 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
Nakumpiska rin ang walong ecstasy tablets na tinatayang P13,000 ang halaga, hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P3,100, at marijuana o kush na nagkakahalaga naman ng P900.
Umabot sa kabuuang P357,000 ang tinatayang halaga ng mga nasamsam na hinihinalang ilegal na droga.
Narekober din sa operasyon ang buy-bust money, cellphone at pouch na umano’y pinaglalagyan ng mga droga.
Dinala ang suspek sa tanggapan ng SPD-DEU para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.
Inihahanda laban sa kanya ang mga reklamong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may kaugnayan sa pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga.
Ang mga nakumpiskang substance ay nananatiling inilalarawan bilang suspected illegal drugs habang hinihintay ang kaukulang forensic laboratory confirmation. RNT