Home METRO Kelot pinagtataga sa P900 utang na 3 taon nang ‘di nababayaran

Kelot pinagtataga sa P900 utang na 3 taon nang ‘di nababayaran

1
0

ISABELA — Patay ang isang lalaki matapos pagtatagain habang natutulog sa duyan sa Barangay Sto. Domingo, Jones, Isabela, na iniuugnay ng pulisya sa umano’y P900 utang na tatlong taon nang hindi nababayaran.

Ayon kay Jones Police Station chief Police Major Mervin Delos Santos, nangyari ang krimen pasado alas-12:10 ng madaling araw nitong Agosto 18.

Nagtamo ang biktima ng mga taga sa ulo, likod at iba pang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagtungo ang biktima sa barangay isang araw bago ang insidente at nakipag-inuman sa suspek at iba pa nilang kakilala.

Nagkaroon umano ng pagtatalo matapos singilin ng suspek ang biktima sa P900 utang na tatlong taon na umanong hindi nababayaran.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi umano ng biktima na babayaran niya ang utang ngunit nagkaroon pa ng mainitang palitan ng salita sa harap ng kanilang mga kasama.

Matapos ang inuman, nagtungo ang biktima sa bahay ng isang kakilala at natulog sa duyan sa likuran nito.

Nagising umano ang may-ari ng bahay dahil sa tahol ng mga aso at ingay sa labas at kalaunan ay natagpuan ang biktima na wala nang buhay. Isang lalaki rin umano ang nakitang tumatakas mula sa lugar.

Naaresto ang itinuturong suspek sa hot pursuit operation at nahaharap sana sa reklamong murder.

Gayunman, sinabi ng pulisya na pansamantala siyang nakalaya dahil hindi pa sapat ang ebidensyang mag-uugnay sa kanya sa krimen.

Patuloy ang imbestigasyon upang makakuha ng karagdagang ebidensya at matukoy ang buong pangyayari sa pagpatay. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here