MANILA, Philippines — Mas mabilis na umanong humuhupa ang baha sa ilang bahagi ng Metro Manila, indikasyon ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na may improvement sa mga hakbang laban sa pagbaha.
Sa isang panayam sa radyo kay MMDA General Manager Usec. Nicolas Torre III na kabilang sa nakitaan ng pagbabago ang bahagi ng Aurora Boulevard at Katipunan Avenue sa Quezon City.
Aniya, ang baha sa lugar na dating inaabot umano ng 18 hanggang 24 oras bago humupa ay bumababa na sa loob ng humigit-kumulang limang oras.
“Nitong nakaraang pag-ulan na umapaw ’yan, 2 p.m. tumigil ang ulan, 7 p.m. passable na uli ang kalsada sapagkat wala na ’yong tubig,” ani Torre.
Sinabi ng opisyal na tatlong pangunahing sukatan ang ginagamit ng MMDA sa pag-assess ng flood mitigation efforts: lawak ng binabahang lugar, lalim ng tubig-baha, at bilis ng paghupa nito.
Ayon pa kay Torre, nakitaan din umano ng improvement ang CAMANAVA area—Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela—na matagal nang kabilang sa mga lugar na madalas tamaan ng matinding pagbaha.
Iniuugnay ng MMDA ang pagbabago sa koordinasyon nito sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga lokal na pamahalaan sa pagsusuri at pagpapahusay ng waterways, drainage systems at pumping stations.
Muling tinalakay ng MMDA, DPWH at mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang drainage master plan ng rehiyon upang mapag-ugnay ang mga flood mitigation project sa iba’t ibang lungsod.
Nauna nang iginiit ng mga opisyal na marami sa kasalukuyang drainage system ng Metro Manila ang luma na at kailangang palawakin o i-upgrade upang makasabay sa kasalukuyang kondisyon ng rehiyon.
Kasabay nito, sinabi ni San Juan City Mayor at Metro Manila Council chairperson Francis Zamora na hindi lamang imprastraktura ang kailangang tugunan dahil maaaring mawalan ng saysay ang pinahusay na drainage at pumping stations kung patuloy na nababara ng basura ang mga daluyan ng tubig.
Hinimok niya ang publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura at huwag gawing tapunan ang mga ilog, sapa at iba pang waterways. RNT