MINSANG nakaranas ako noong Hulyo 15, 2026, Miyerkules ng gabi na may nagtext post ng paninira sa aking pangalan sa isang Facebook group page ng Indang kung saan ang kanyang paninira ay walang katotohanan. Kung sinoman siya, naipanalangin ko na siya sa Diyos.
Kapag may taong nananakit sa atin, naninira ng ating pangalan o gumawa ng hindi maganda laban sa atin, ano ang una nating reaksyon? Madalas, gusto nating gumanti, gusto nating patunayan na tayo ang tama.
Minsan naman hindi tayo gumaganti sa salita o gawa, kinikimkim natin ang galit at hinahayaan nating manatili sa ating puso. Napakahirap ipagdasal ang taong naging dahilan ng ating pagluha.
Si Hesus ay nagpapagaling, nagtuturo ng pag-ibig at gumagawa ng kabutihan ngunit ang isinukli sa kanya ay inggit at poot.
Kung tayo marahil ang nasa kalagayan niya ay baka ipinakita na natin ang ating kapangyarihan upang patahimikin ang mga kaaway.
Ngunit iba ang puso ni Hesus hindi siya gumanti hindi siya nakipag-away, umalis siya roon at ipinagpatuloy ang pagpapagaling at pagmamahal.
Sa halip na maghasik ng galit ay naghasik siya ng awa, sa halip na maghiganti ay nagpatuloy siyang nagmahal.
Hindi natin kontrolado ang ginagawa ng iba sa atin ngunit kontrolado natin kung paano tayo tutugon. Hindi madaling ipagdasal ang taong nanakit sa atin ngunit kapag ipinagdarasal natin sila ay hindi lamang sila ang pinapaubaya natin sa Diyos, pinapalaya rin natin ang sarili nating puso mula sa galit at kapaitan.
Ang panalangin para sa ating mga kaaway ay hindi nangangahulugang sang-ayon tayo sa kanilang ginawa. Hindi rin ibig sabihin ay wala ng pananagutan ang gumawa ng mali.
Ang ibig sabihin nito ay ipinapaubaya natin ang paghuhukom sa Diyos at pinipili nating huwag hayaang manaig ang galit sa ating puso.
Kapag nananalangin tayo para sa mga gumagawa ng masama sa atin ay unti-unti tayong nagiging katulad ni Hesus.
Marahil may isang taong mahirap patawarin sa ating buhay sa ngayon, huwag muna nating pilitin ang ating damdamin sa ngayon. Simulan natin ito sa isang simpleng panalangin kagaya ng “Panginoon pagpalain mo siya.”
Maaaring mahirap sa umpisa ngunit sa tulong ng biyaya ng Diyos ang pusong sugatan ay unti-unting gagaling. Ang paghihiganti ay nagpabibigat ng puso, ngunit ang panalangin ay nagpalalaya nito.
“Kapag ipinagdarasan natin ang mga gumagawa ng masasama at paninira sa ating pangalan ay hinahayaan natin ang pag-ibig ng Diyos na magkaroon ng huling salita – hindi ang galit.” – Fr. Fiel Pareja






