Home OPINION NAGHAHANAP NG KATARUNGAN, NAUNANG NAPARUSAHAN

NAGHAHANAP NG KATARUNGAN, NAUNANG NAPARUSAHAN

1
0

NAKAPAGTATAKA ang ikot ng usapin sa flood control scandal. Habang hinihintay ng taumbayan ang paghahanap sa mga tunay na responsable sa bilyon-bilyong pisong umano’y nawala sa mga proyektong dapat sana’y panangga sa baha, tila may mga bagong pangalan na ngayon ang nasa gitna ng kontrobersiya.

Sina Senador Rodante Marcoleta at dating Rep. Mike Defensor ang naiipit sa mga bagong alegasyon, kasunod ng pagbawi ni Marine Orly Guteza sa dati nitong testimonya. Sa halip na dating Speaker Martin Romualdez ang ituro, sina Marcoleta at Defensor naman ang binabanggit.

Ay, ibang ikot naman ito. Susme, pagulo nang pagulo ang usapin.

Ang mas kapansin-pansin, si Marcoleta ay kasalukuyang nakakulong at hindi basta makapagsasalita sa publiko upang harapin ang mga bagong paratang. Samantala, ang mga alegasyong may kaugnayan sa malawakang korapsyon sa flood control ay patuloy na nangangailangan ng malinaw na ebidensya at pananagutan.

Hindi naman sinasabing inosente sina Marcoleta at Defensor. Kung may ebidensya laban sa kanila, ilabas at patunayan. Kung may kasalanan, panagutin.

Pero hindi rin masamang magtanong:

Habang ang mga nagtuturo ay naiipit, nasaan naman ang mga dapat talagang ituro?

Ipinangako ng Malacañang na may malalaking isdang mananagot sa flood control scandal. Kaya naman natural lamang na abangan ng publiko kung sino ang mahuhuli sa lambat.

Dahil kung ang mga sangkot umano sa malalaking nakawan ay nagkakanya-kanyang depensa at nagtuturuan, baka maligaw ang imbestigasyon at ang maliliit na isda na naman ang unang mahuli.

Ang usapin ay hindi tungkol kina President Marcos at dating Pangulong Duterte kundi tungkol sa flood control investigation.

Pera ito ng bayan.

At ang hinihintay ng bayan ay hindi bagong pangalan na pagbubuntunan ng sisi, kundi ang makita at makilala ang malalaking isda na tunay na dapat managot.

Sa ngayon, patuloy ang paghahanap ng katarungan, pero ang mga naunang naparusahan at nakulong ay pawang mga maliliit na taong dinaanan lang ng pera ng bayan at ang mas malaking tao ay nagpapasarap pa sa buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here