NARARAMDAMAN kaya ng mga korap sa flood control scam ang grabeng gutom ng libo-libong pamilya kundi man milyon-milyong tao nitong kasagsagan ng habagat, bagyo at baha sa iba’t ibang bahagi ng bansa?
Para sa maraming mamamayan sa Bataan, Bulacan, Pampanga at iba pa sa Luzon, kasama ang marami rin sa Kabisayaan at Mindanao, tatlong linggo na nakaranas ng gutom dahil sa bagyo, habagat at baha.
Hindi lang pagkalam ng sikmura ang gutom, mga brad.
Kasama rin ang panghihina ng katawan at madaling pagkakasakit at kawalan ng panggastos sa pagkain at pagpapagamot.
Nagkaroon ng maramihang gutom dahil sa pagtigil ng mga hanapbuhay mula sa mga pagsasaka at pangingisda hanggang sa pagtatraysikel at iba pang ibang uri ng pamamasada habang huminto rin ang pagtakbo ng mga maliliit na negosyante mula sa mga vendor sa kalsada hanggang mga karinderya.
Marami ang hindi nakapasok sa kanilang mga trabahong pisikal mula sa pag-oopisina hanggang konstraksyon at pabrika kaya walang sinahod.
Nagsama-sama ang lahat ng ito na lumikha ng gutom hindi lang sa mga indibidwal kung maging sa mga pami-pamilya.
Ang mga korap?
Naroon lang sila sa naipundar nila sa kikbakan na mga palasyo, hotel, condo, resort at iba pang magagara at ligtas sa bahang mga lugar.
Sa isang pindot nila sa selpon, dumarating sa kanila ang mga sobrang pagkain na masusustansya na dinideliber ng mga rider na lumulusong sa baha.
Wala silang maramdamang pagkalam ng sikmura at malalakas at hindi nagkakasakit.
Paldo na ang bulsa ng mga ito, naroroon pa sa kanilang mga vault at maleta ang kanilang mga pinagkikikbak na pinagdudukutan nila ng labis-labis na salapi’t yaman.
Lalo na ang mga taga-Palasyo ng Malakanyang at nasa Kongreso.
Nagbubunga nang labis-labis ang pagnanakaw nila sa pondong bayan na galing sa buwis ng mga mamamayan.
Ganyan katindi ang buhay Pinoy: Milyon-milyong nagugutom at naghihirap at mangilan-ngilang may labis-labis na kabusugan at yaman.
Kailan at paano kaya baguhin ang lahat?






