MANILA, Philippines – Dinipensahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang ikinasa nitong raid sa isang steel manufacturing facility sa Davao City at sinabing ginagawa lamang nito ang kanilang mandato at pagpapatupad ng batas, sa kabila ng maraming nawalan ng trabaho dahil dito.
Matatandaan na nilusob ng mga tauhan ng PAOCC at ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pasilidad ng Davao Mighty Steel Corporation sa Barangay Ilang noong Agosto 13, 2026 dahil sa umano’y paggawa at pagbebenta ng substandard na steel products.
Naaresto rito ang 10 Chinese national at apat na Filipino.
Nailigtas naman ang 174 pang Filipino na manggagawa.
May banta aniya sa kalusugan ng mga empleyado ang pasilidad dahil sa presensya ng radioactive materials.
“Para sa ating kababayang workers, we sympathize with them. Mahirap mawalan ng trabaho. On the part ng PAOCC, kailangan gawin natin ang mandato at kung ano ang nakasaad sa batas sa kung ano ang nakikita nating (ikabubuti) para sa kababayan,” ayon kay PAOCC Executive Director Undersecretary Benjamin Acorda Jr.
Sinuspinde na ang operasyon sa pasilidad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Handa ring makipagtulungan ang PAOCC sa mga empleyado para makuha ng mga ito ang benepisyo at makahanap ng bagong trabaho.
“Hindi po kami kalaban, hindi po kami kalaban ang PAOCC at NBI, kakampi po kami, magtulungan po tayo how to get your benefits and also to find employment din,” dagdag ni Acorda.
Humingi na ng tulong sa lokal na pamahalaan ang mahigit 200 manggagawang apektado.
Nakipag-ugnayan na rin ang Office of Civil Defense-Davao (OCD-11) sa mga ahensya ng pamahalaan para sa pagbibigay ng agarang tulong.
Siniguro naman ng Department of Social Welfare and Development-Davao (DSWD-11) na magbibigay ito ng tulong sa mga apektadong manggagawa at kanilang pamilya. RNT/JGC