MANILA, Philippines – Inaresto ng National Bureau of Investigation ang isang Taiwanese national sa Parañaque City na nagpapanggap na ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos na ginagamit sa panloloko sa mga dayuhan.
Bukod sa Taiwanese na suspek, inaresto din ng mga ahente ng NBI ang Malaysian national na umano’y kasabwat nito, at tatlo pang Filipino na naglilingkod bilang staff ng suspek.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nagkasa ang Special Action Unit ng NBI ng operasyon noong Lunes sa Multinational Village, matapos makatanggap ng intelligence information tungkol sa modus ng suspek.
Ani Matibag, nag-aalok ang suspek na tutulungan ang mga dayuhang biktima na ayusin ang kanilang mga isyu sa Estados Unidos kapalit ng pera.
Ang suspek “had a badge and what appeared to be a document to [show that he] represented the FBI,” dagdag ni Matibag.
Maaari rin aniyang tumulong ang suspek sa ilang kaso at maisaayos ang mga papeles na may kaugnayan sa FBI at US Department of Justice.
“So that’s how we were able to [conduct] a setup where we caught him,” ani Matibag.
Ang operasyon ay isinagawa batay sa warrant to search, seize and examine computer data, matapos makakuha ang NBI mula sa Regional Trial Court ng Parañaque City.
Sasampahan ng reklamong usurpation of authority at computer-related forgery ang mga suspek.
Nakikipag-ugnayan na ang NBI sa counterpart nito sa US Embassy para iturn-over ang mga nabiktimang foreign national na may mga aktwal na kaso sa Estados Unidos.
Magsasagawa rin ng follow-up operation ang NBI upang malaman kung may iba pang indidbidwal na gumagamit ng kaparehong modus. RNT/JGC