MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian sa agarang reporma sa singil sa suplay ng kuryente upang mapasigla ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng mabagal na paglago.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na kailangan tapyasan ang halaga ng sinisingil sa suplay ng kuryente sa gitna nang lumalalang banta sa pandaigdigang krisis sa enerhiya.
“Kung gusto nating pasiglahin muli ang ating ekonomiya at magbigay ng tunay na kaginhawahan sa pamilyang Pilipino at maliliit na negosyo, kailangan ibaba natin ang halaga ng kuryente,” ayon kay Gatchalian.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga singil sa generation at system loss ay mga pass-through cost sa bill sa kuryente na nangangailangan ng transparency at sapat na batayan.
Matatandaang batay sa mga pinakahuling economic indicators, lumago ng 2.3% lamang ang gross domestic product (GDP) ng bansa noong ikalawang quarter.
“Dahil umaasa ang bansa sa imported na langis, mas exposed ang mga Pilipino sa pagtaas ng presyo ng enerhiya sa pandaigdigang merkado, na nagreresulta sa mas mataas na presyo ng gasolina at kuryente,” dagdag niya.
Nauna nang inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2350 na naglalayong ipagbawal sa mga distribution utility ang pagpapataw ng singil sa
system loss sa mga mamimili at alisin ang value-added tax (VAT) sa pagbebenta ng kuryente.
Inihain din niya ang Senate Resolution No. 581 upang siyasatin ang kawalan ng regular na pagsusuri o audit sa halaga ng gasolina sa gitna ng tumataas na singil sa generation, na may layuning palakasin ang pangangasiwa ng
pamahalaan sa sektor ng power generation. Ernie Reyes