BULACAN, Philippines – Patuloy pa rin ang imbestigasyon habang hindi inaalis ng pulisya ang posiblidad na ang ina ang umano’y nakapatay sa kanyang dalawang anak bago nagpakamatay sa loob ng kanilang sasakyan sa bayan ng San Rafael.
Sa isang panayam kay PRO3 Director PBGEN Jess Mendez nitong Biyernes, natuklasan ang insidente bandang 2:00 ng hapon ng Huwebes sa masukal na lugar sakop ng Brgy. Talacsan.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagpunta ang mag-iina sa bahay ng mga magulang sa bayan ng Angat hanggang sa umalis bago mag-5:00 ng hapon ng Miyerkules at bandang 5:30 ng hapon ay hindi na sila makontak.
Ayon sa heneral, pawang may mga tama sa sintido ang inang 31 anyos at kanyang anak na 9 at 4 taung gulang na kapwa na nasa loob ng sasakyan.
Dahil dito, patuloy ang kanilang masusing imbestigasyon at ipinatawag ang ilang indibiduwal na huling nakausap at kasama ng mga biktima.
Nabatid na pag-aari umano ng biktima ang sasakyan at nakapangalan sa kanya ang baril na lisensyado na natagpuan sa loob ng sasakyan.
Nakuha rin umano sa loob ng sasakyan ang tatlong basyo ng bala subalit inaalam pa kung nanggaling ito sa nakuhang baril sa loob ng sasakyan.
Nagsagawa na rin ang pulisya ng reenactment kung paano binaril muna ang dalawang anak bago siya nagbaril sa ulo.
Sinasabing may anggulo pang tinitignan ang pulisya, may hinihintay na resulta ng forensic test gaya umano ng paraffin test sa mga biktima at ilang personalidad. (Dick Mirasol III)