MANILA, Philippines – Hiniling ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino na ipaliwanag ng korte at dalawang kumpanyang kumontra sa P85 minimum wage increase sa Metro Manila ang kanilang mga dahilan sa pagsususpinde ng wage hike.
Ayon kay Tolentino, palaging DOLE ang tinatanong kung ano ang ginagawa nito para matulungan ang mga manggagawa, pero hindi ang Readycon Trading and Construction Corp. at R-II Builders, Inc., na naghain ng petisyon laban sa wage increase.
Hiniling din niya na maipaliwanag ng hukom ang legal basis ng temporary restraining order (TRO) at preliminary injunction na nagpahinto sa implementasyon ng wage hike.
Noong Hulyo, naglabas ang Pasig Regional Trial Court Branch 152 ng TRO laban sa P85 wage increase. Noong nakaraang linggo, naglabas naman ito ng preliminary injunction matapos mag-post ang mga petitioner ng P10-bilyong bond.
Sinabi ng korte na ang pansamantalang paghinto sa wage order ay para sa “best interest of all stakeholders.”
Samantala, patuloy na nakikipag-ugnayan ang DOLE sa Office of the Solicitor General para kuwestiyunin ang utos ng Pasig court. Hiniling din ng ilang labor groups sa Supreme Court na aksyunan ang petisyon para ipawalang-bisa ang TRO.
Sa kabila ng injunction, sinabi ni Tolentino na may ilang employers pa ring boluntaryong nagpapatupad ng P85 wage increase.
“Ako’y patuloy pa rin na nagpapasalamat doon sa gumagawa ng voluntary compliance. Alam na natin kahit may TRO walang magpe-prevent sa isang kumpanya, maliit man o malaki, na ipatupad ito at ine-encourage ko ‘yon,” sabi ni Tolentino. RNT/MDS