Home METRO Drug den sa Cebu, nabuwag; 3 arestado

Drug den sa Cebu, nabuwag; 3 arestado

2
0

CEBU, Philippines – Tatlong katao ang naaresto matapos buwagin ng mga awtoridad ang isang umano’y drug den sa Talisay City, Cebu noong Biyernes ng gabi, Agosto 22.

Isa sa mga naaresto si McLin, 56, isang construction worker na umano’y nagsisilbing drug maintainer ng lugar.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency-Central Visayas (PDEA-7) Regional Director Joel Plaza, naaresto na rin si McLin sa kasong droga noong 2019 ngunit nakalaya matapos pumasok sa isang plea bargain agreement.

Nakatanggap ang PDEA-7 ng impormasyon na bumalik umano si McLin sa pagbebenta ng ilegal na droga. Ayon sa tip, nagbebenta umano siya ng humigit-kumulang 10 gramo ng shabu bawat linggo.

Naaresto rin sina Ben, 34, at Mark, 37, na kapwa nahuli sa loob ng umano’y drug den sa Barangay Linao.

Nakumpiska sa operasyon ang limang pakete ng shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang 11.12 gramo, na may tinatayang market value na P75,616.

Ayon sa PDEA-7, ang pagpapatakbo o pagpapanatili ng drug den ay may pinakamabigat na parusang habambuhay na pagkakakulong at multang hanggang P10 milyon.

Ang mga mahuhuling nasa loob ng drug den ay maaaring makulong nang hanggang 20 taon at pagmultahin ng hanggang P500,000, alinsunod sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here