Home METRO Karpintero, utas sa suwag ng pick-up

Karpintero, utas sa suwag ng pick-up

2
0

ILOCOS SUR, Philippines – Tigok ang isang 39-anyos na karpintero matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang pickup sa national highway sa Brgy. Calanutian, Sinait ng lalawigang ito Sabado ng gabi, Agosto 22.

Ayon sa Sinait Municipal Police Station, ang nasawing  driver ng Honda Click 155 ay residente ng Brgy. Teppeng, Sinait, Ilocos Sur samantalang ang 49-anyos na lalaking driver naman ng Toyota Hilux ay residente ng Laoag City, Ilocos Norte.

Sa imbestigasyon, ang pickup ay bumibiyahe papuntang timog habang ang motorsiklo ay papunta naman ng opposite direction.

Pagdating sa pakurbang parte ng highway, partikular sa Sapilang Bridge, ang motorsiklo na mabilis ang takbo ay biglang lumipat sa kabilang lane na nagresulta sa banggaan ng mga naturang sasakyan.

Ang driver ng motorsiklo na walang suot na protective helmet ay nagtamo ng severe head injury at abrasions sa iba’t ibang parte ng katawan.

Agad na isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa naturang bayan ang driver ng motorsiklo.

Gayunman, ang driver ng motorsiklo ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor.

Hindi naman nasaktan sa naturang insidente ang driver ng Toyota Hilux at ang dalawang lalaking kasama nitong nakasakay sa loob ng naturang sasakyan.

Nasa impulwensiya umano ng alak ang driver ng motorsiklo nang mangyari ang aksidente. Rolando S. Gamoso

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here