MANILA, Philippines – Itinanggi ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang mga ulat na humihingi ng asylum si Sen. Loren Legarda sa ibang bansa, at tinawag itong fake news.
“Wala, fake news ata ‘yon, hindi yan totoo. Wala pa naman syang kaso, kasi wala pa ngang, I don’t think mayroon preliminary investigation,” sabi ni Lacson.
Gayunman, ayon sa ulat, si Legarda, ang kanyang anak na si Batangas Rep. Leandro Leviste, at dating Energy Secretary Alfonso Cusi ay nahaharap sa preliminary investigation ng Office of the Ombudsman kaugnay ng alegasyong P10-bilyong ghost solar projects.
Umalis ng bansa si Legarda kasama si Leviste noong Agosto 2, dumaan sa Hong Kong at nagtungo sa France. Naka-medical leave siya mula Agosto 3.
Sinabi ni Lacson na nakausap niya si Legarda habang nasa abroad at sinabi nitong may problema siya sa baga na nangangailangan ng medical attention. Kinumpirma rin umano ng isang kasamahan ni Lacson sa majority bloc na may iniindang karamdaman ang senador.
Samantala, nagpahayag si Lacson ng lungkot at pagkadismaya sa naging pagbabago ng panig ni Legarda noong May 2026 Senate leadership coup. Dati silang magkakasama sa Senate majority bloc.
“Nalulungkot kami nina Tito Sen kasi matagal kami magkakasama, kami yung mythical five, ‘yun tawag namin samin, Sen. Risa, Sen. Win, kaming tatlo, Tito Sen, ako, saka sya. Ang tagal na namin magkasama. Kaya nung iniwan kami di mo maaalis na paano nangyari yun?” RNT/MDS